Default Thumbnail

Ano ang ibig sabihin ng Phenotyphically Male ?

October 9, 2021 Magi Gunigundo 376 views

Magi GunigundoANG Gunigundo Law o RA 9048 , na naging batas noon 2001, ay sinusugan ng RA 10172 (tayo rin ang nagpanakula) noon 2012, upang sa gayon pati mga mali sa buwan at araw ng kapanganakan at maling tala ng kasarian ng indibiduwal sa kanyang sertipiko ng kapanganakan ay maiwawasto na rin sa administratibong proseso ng Local Civil Registrar.

Ang kasarian ay binabatay sa likas na kasarian ng isang sanggol . Hindi dapat makialam ang kamay ng tao sa pagpili ng kasarian nito na nakalagay sa sertipiko ng kapanganakan. Dahil dito , kailangan ng sertipikasyon mula sa isang doktor ng pamahalaan na ang tao , lalake man o babae , ay hindi sumailalim sa isang medikal na pamamaraan ng pagpapalit ng kasarian. Ang teknolohiya sa medisina ngayon ay maaaring gawing babae ang isang lalake [ Male to Female= vaginoplasty at penectomy] at lalake ang isang babae [Female to Male= phalloplasty at metoidoplasty ]. Ang susog ng RA 10172 ay hindi paraan upang malusutan ang patakaran ng Family Code na ang kasal ay para lang sa isang lalake at isang babae.

Noong Pebrero 11, 2009 , si Miller Omandam Unabia ay naghain ng isang “Petisyon para sa Pagwawasto ng Mga Entries sa kanyang Birth Certificate sa ilalim ng Rule 108 ng Rules of Court sa Regional Trial Court o RTC. Pinapawasto niya ang mga sumusunod na mali sa kanyang sertipiko ng Kapanganakan: 1. Palitan ang “Mellie Umandam Unabia” ng “Miller Omandam Unabia”; 2. Palitan ang kasarian na maling naipasok bilang “babae” sa halip na “lalake”; at 3. Palitan ang panimulang letra ng gitnang apelyido ng kanyang ama na maling binaybay bilang “U” na dapat ay “O”. [REPUBLIC OF THE PHILIPPINES vs. MILLER OMANDAM UNABIA, G.R. No. 213346, February 11, 2019]

Bilang pagsunod sa RA 10172, ipinakita ni Miller ang Medikal na Sertipiko buhat kay Dr. Andresul A. Labis ,isang manggagamot ng Northern Mindanao Medical Center , na nagsasabing si Miller ay “phenotypically male”. Hindi tumestigo ang doktor sa hukuman.

Inaprubahan ng hukuman ang petisyon ni Miller. Sinang-ayunan ito ng Court of Appeals ngunit umabot sa Korte Suprema ang usapin. Pinuna kasi ng Solicitor General ang hindi pagtestigo ni Dr Labis para patunayan ang kanyang kwalipiksasyon at ang nilalalaman ng sertipikasyon . Bukod pa rito, kulang daw ang sertipiko medikal na isaad na si Miller ay “hindi sumailalim sa pagbabago ng kasarian o paglilipat ng kasarian ” ayon sa itinatakda ng Seksyon 5 ng RA 10172 na sinusugan ang RA 9048. Sinabi rin ng Solicitor General na mali ang RTC na gamitin ang mga batas na ito na angkop lang sa administratibong pagwawasto at hindi sa isang usapin sa hukuman sa ilalim ng Rule 108.

Tama si Miller na sa hukuman dumulog sa ilalim ng Rule 108 noon 2009 sapagkat ang hinihiling niyang pagwawasto sa maling tala ng kasarian ay hindi saklaw ng orihinal na RA 9048 . At tama rin ang Court of Appeals na gamitin ang RA 10172 ( ipinasa noon 2012) na isang batas panlunas na pinapayagan ang aplikasyon ng paurong basta hindi ito makakapinsala sa naibigay o nakuha nang mga karapatan alinsunod sa Kodigo Sibil at iba pang mga batas ayon sa Seksyon 11 ng RA 9048.

Ang nasabing Medikal na Sertipiko na inilabas ni Dr. Labis ay isang pampublikong dokumento. Galing ito sa isang doktor ng pampublikong pagamutan at tinuturing siya na isang pampublikong opisyal na nagsasagawa ng opisyal na tungkulin. Dahil dito, ito ay “prima facie” katibayan ng mga katotohanan na nakasaad dito sa ilalim ng Seksyon 23, Rule 132. Hindi na kailangan pang tumestigo si Dr. Labis para patunayan ang kanyang posisyon at kwalipikasyon bilang doktor at pagtibayin ang laman ng kanyang sertipiko.

Bagamat ang RTC ay hindi gumawa ng anumang pahayag tungkol sa pisikal na hitsura ni Miller ng siya ay tumestigo upang tuklasin kung talagang lalaki ito, kitang kita sa litrato ni Miller na kalakip ng rekord ng kaso, ang laki ng kanyang lalagukan ni Adan ( Adam’s apple) , o “laryngeal prominence” sa terminong medikal, na tanging mga lalaki lang any mayroon nito.

Ang terminong ” phenotypically male ” ay nangangahulugang na ang pisikal, pisyolohikal, at biokemikal na kabuuan ng taong tinutukoy , na matitiyak sa pamamaraang henetiko at pangkalikasan ay lalaki, na hindi sumailalim sa medikal na pamamaraan ng pagpapalit ng kasarian. Siya ay ipinaglihi at ipinanganak na lalaki, siya ay mukhang lalaki, at kumikilos at nabubuhay bilang isang lalaki. Magiging kalabisan na para ilagay pa sa sertipiko medikal na “hindi sumailalim sa pagbabago ng kasarian o paglipat ng kasarian” si Miller ayon sa hinihiling ng batas.

Dahil sa kasong ito, ginawang patakaran ng Korte Suprema na kapag isang sertipiko medikal ay sinabing “phenotypically male” o “phenotypically female” ang isang tao na nagpapawasto ng maling kasarian sa kanyang sertipiko ng kapanganakan , hindi na kailangan pang sabihin na ang petisyoner ay hindi sumailalim sa pagbabago ng kasarian o paglilipat ng kasarian ayon sa lengwahe ng batas.

AUTHOR PROFILE