Angel

Angel, nag-diet dahil sa taas ng BP

July 16, 2021 Vinia Vivar 158 views

Isa si Angel Locsin sa mga nakatikim ng matinding body shaming at panlalait mula sa netizens dahil nga sa kanyang weight. Pero ayon sa aktres ay hindi naman niya ito ikina-bother at aminado siyang tumaba siya talaga.

“Hindi ako nagsalita kasi parang, anong sasabihin ko? ‘Yun ang opinion nila sa sarili ko, eh. Totoo naman, mataba naman talaga ako. Pero hindi naman masusukat noon kung sino ako,” pahayag ni Angel sa kanyang live interview sa Over a Glass or Two vlog.

Natatawa pang dagdag ng aktres, “Mabuti nang chubby kesa ugly.”

Mensahe pa niya sa bashers, “Kung hindi kayo natutuwa sa sarili ko, well, I’m sorry to hear that. But natutuwa pa naman ako sa sarili ko and I know ang kaya kong ibigay sa table.”

Alam daw niyang hindi niya kayang kontrolin ang opinyon ng mga tao pero hindi raw sukatan ang mga negative comment na ito para mabawasan ang pagmamahal niya sa sarili.

“Buti na lang mahal ko ang sarili ko at nirerespeto ko ang sarili ko, dahil ang katawan na ito ay maraming pinagdaanan, maraming na-achieve din naman at marami pa akong maa-achieve. Kung wala ang katawang ito, wala si Angel Locsin. Wala ako dito. Wala akong kabuhayan. So, I am just really grateful and tanggap ko, I’m a working progress. Alam ko naman ‘yun, eh,” saad niya.

Matatandaang noong nakaraang Hunyo ay nagsimula na si Angel ng kanyang weight-loss program at may improvement na nga dahil pumapayat na siya.

“Ginagawa ko ito for myself, for my health lang talaga. Maraming salamat dahil vaccinated na tayo, nakikita natin ‘yung blood pressure natin. So ‘yung sa akin, mataas (ang bp), mataas siya, kaya kailangan kong pagtuunan ng pansin talaga.

“It’s not really for vanity. Siguro bonus na lang din ‘yun pero ‘yung hinahabol natin ‘yung importanteng health. Alagaan natin ang sarili natin,” saad ni Angel.

BIANCA, PALABAN

Kakaiba at mas palaban na Bianca Umali ang mapapanood sa much-awaited family drama series ng GMA Network na Legal Wives.

Bibigyang-buhay ni Bianca sa serye ang karakter ni Farrah, ang pangatlo at pinakabatang asawa ni Ismael – ang role ni Kapuso Drama King Dennis Trillo.

Kuwento niya, nakaka-relate siya sa ipinakitang katatagan ng kanyang karakter sa kabila ng karahasan na pinagdaan nito.

“Nakaka-relate ako sa strength niya — sa strength niya to face the challenges na ibinigay sa kanya. Kasi kahit na wala siyang alam, kahit na hindi niya ini-expect ‘yung mga mangyayari sa kanya, hinarap niya pa rin ‘yun ng buong puso at hindi siya nawala sa sarili niya.”

Isang simpleng college student si Farrah na nag-aaral sa Maynila na magiging biktima ng karahasan ng isa sa kanyang mga kaklase.

Ito ang magtutulak sa kanyang amang si Abdul Malik (Bernand Palanca) na ipakasal siya sa matalik na kaibigang si Ismael.

Bukod kay Bianca, gaganap din na mga asawa ni Dennis sa serye sina Alice Dixson at Andrea Torres.

Mapapanood ang Legal Wives sa world premiere nito sa July 26 sa GMA Telebabad.

AUTHOR PROFILE