Angel

Angel at Neil, peke at hiram ang mga singsing sa kasal

August 15, 2021 Vinia Vivar 396 views

ibinahagi na nina Angel Locsin at Neil Arce ang mga detalye tungkol sa katatapos nilang civil wedding.

Naglabas ang mag-asawa ng bagong vlog sa kanilang YouTube channel tungkol sa naganap na kasalan dahil marami raw nagre-request and they decided na pagbigyan ang mga kahilingan at mas maganda raw kung sa kanila mismo manggagaling ang kwento.

“’Eto gumawa kami ng paraan para mai-share sa inyo ang aming civil wedding,” ani Angel.

Sa nasabing vlog ay ni-reveal na rin ng mag-asawa kung kailan sila ikinasal at ito ay nang araw na manalo raw ng gold medal si Hidilyn Diaz sa Tokyo Olympics which was July 26.

“Actually, ikinasal kami bago pa mag-ECQ,” ani Angel. “Siyempre, hindi naman namin maimbita ang lahat ng tao. Nu’ng time pa na ‘yun, bumabagyo.”

Singit naman ni Neil, “’Yun ‘yung 10 days ‘ata straight na hindi huminto ‘yung ulan, eh.”

Pero on the day of the wedding, surprisingly ay umaraw naman daw.

“Tapos, nanalo ng gold si Hidilyn. ‘Yun ‘yung topic namin habang kumakain, ‘nanalo ng gold si Hidilyn!’,” natatawang kwento ni Neil.

Tsika naman ni Angel, “Kung anuman ‘yung nangyari du’n sa wedding na ‘to, may personal touch namin talaga. It’s very intimate, it’s very simple, it’s very us.”

Walong tao lang daw ang allowed sa Taguig City Hall kung saan sila ikinasal kaya talagang kaunti lang daw ang nakakaalam. Pati mga driver nila ay hindi alam ang nangyari.

Although may nakaplano silang church wedding, nagdesisyon na raw sila na mag-civil wedding muna dahil gusto na talaga nilang magpakasal.

Kwento ni Neil, akala niya ay ganu’n kadali ’pag civil wedding na pwedeng bukas na agad.

Pero hindi raw niya alam na marami rin palang papeles na dapat ayusin kaya inayos muna niya lahat.

Tsika naman ni Angel, “Two days bago ‘yung wedding, na-realize ko na wala akong lamesa, upuan. Plano kasi namin, take-out food lang, eh.”

Ganu’n pa rin naman daw ang nangyari at nanghiram lang sila ng lamesa at upuan.

Ipinakita rin nila ang set-up ng reception na isang long table at ilang upuan lang.

Tungkol naman sa talk of the town na napaka-simpleng wedding attire nila, nagulat daw sila nang makita na pareho sila ng suot since magkahiwalay daw silang bumili ng kanilang isusuot.

Inamin din nila na wala silang naka-ready na wedding vows kaya ang nagkasal sa kanilang si Taguig Mayor Lino Cayetano na lang ang gumawa at binasa na lang nila ito.

Wala rin daw silang wedding rings kaya ang ginamit ni Angel ay ang fake engagement ring habang si Neil naman ay pinahiram ng kanyang anak.

“Simple pero rock,” ang deskripsyon pa ni Angel sa kasal nila ni Neil.

AUTHOR PROFILE