‘Angas ng kabataan’

July 21, 2021 Allan L. Encarnacion 489 views

Allan EncarnacionHABANG nagbibinata na ang panganay kong si Bryan, nakitaan ko rin siya ng angas.

Dala marahil ng kapusukan, malaking lalaki at dala ng kabataan, palagi ko siyang nasasabihan. Noong nagsisimula pa lamang siyang matutong magnaneho, suki siya ng pagkahuli ng MMDA dahil sa mga violation. Sa tingin ko nga, iyong poste ng MMDA offce sa Mandaluyong ay naitayo dahil sa dami ng multa ni Bryan.

Wala naman siyang pagmamahan na maangas dahil sa aming bahay, ang misis ko lang talaga ang siga!

Habang lumalaki, naalis ko naman ang angas ni Bryan at ngayon ay responsableng padre de pamilya naman na. Hindi ko lang alam kung nakakapag-ambag pa rin siya sa bagong poste ng MMDA kasi magkahiwalay na kami ng bahay, hindi ko na siya nababantayan.

Ikinukuwento ko ito dahil sa nag-viral na video ng pagkaangas ni Franze Luke Orbos na anak ni former Pangasinan congressman, former governor at former DOTr secretary Oscar Orbos. Pamangkin naman siya nila dating MMDA General Manager Tim Orbos at famous man of cloth na si Father Jerry Orbos.

Maraming paghuhugutan ng impluwensiya si Franze Luke dahil sa laki ng pangalan ng kanilang pamilya. Kumpara sa apeylidong Encarnacion, walang pagkukunan ng lakas ng loob si Bryan.

In all fairness naman kina Manong Oscar at Manong Tim, hindi naman sila naging abusado sa puwesto at wala ring record ng pagmamataas sa kahit anong pagkakataon.

Lalo naman siguro si Father Jerry na iniidolo ng marami at tinitingnan ng iba bilang “buhay na santo.”

Sa tingin natin, iyong laki ng pangalan kapag naihalo pa sa alak, talagang bagyo ang magiging dating mo kapag hindi mo alam hawakan ang sitwasyon. Mukhang hindi naman likas sa batang si Franze Luke ang ganoong karakter kaya naniniwala tayong hindi lang nakontrol ang sitwasyon.

Humingi na ng dispensa sa publiko ang bata at sa tingin ko ay sapat na iyon para huwag nang hatawin ng masasamang komento ng mga nasa social media. Palagi ko namang sinasabi na “your character will not define by one mistake.”

Kaya nga dito papasok ang pagtingin sa sarili bilang isang mortal na nilalang, maging sino man ang nasa likod ng iyong angkan. Naniniwala tayong malungkot para sa panig ng pamilya Orbos ang nangyari dahil sa maraming dekada, walang anumang insidente ang bumatik sa kanilang pangalan.

Kung may aral man tayong mapupulot sa naging sitwasyon ng anak ni Manong Oscar, iyon pangangailangang maging mahinahon at mapagpakumbaba. Buwenas pa rin dahil walang baril na sukbit ang bata.

Noong magsimula ko nang pakawalan si Bryan sa pagmamameho mag-isa, ang una kong habilin sa kanya ay maging marespeto sa lahat ng pagkakataon, lalo na sa mga awtoridad na makakahuli sa kanya.

Huwag tatakas sa mga obligasyon sa kalsada kung sakaling makabangga o makaaksidente.

Maraming enforcers ang may konsiderasyon sa mga driver na magalang at mapagpakumbaba.

Ramdam natin ang lungkot ng pamilya Orbos pero sa tingin ko, iyong nangyari kay Franze Luke ay magbibigay sa kanya ng bagong buhay.

allanpunglo@gmail.com