Ang utak at isip ng Homo Sapiens

October 1, 2022 Magi Gunigundo 235 views

Magi GunigundoBINABATI natin ang lahat ng guro sa pagtatapos ng pagdiriwang ng National Teachers Month 2022 (nagsimula noon Setyembre 5, magtatapos sa Octobre 5) na may tema na,” Gurong Pilipino, Dangal ng Sambayanang Pilipino.”

Bilang isang edukador na nagtuturo ng batas at nagsusulong ng reporma sa edukasyon, kinikilala natin ang mahalagang papel ng guro sa paghahatid ng edukasyon. Nasa kamay ng guro kung de kalidad o hindi, ang edukasyong magaganap sa isip ng bata.

Maraming tao ang naniniwala sa maling palagay na ang pagtuturo ay nagaganap sa pagsasalin ng guro ng impormasyon sa kanyang mga mag-aaral na walang kibong tinatanggap ito. Tinuturing ang mga mag-aaral bilang mga sisidlan na walang laman (tabula rasa ang utak ayon kay John Locke) at ang mga guro ang magpupuno ng laman nito. Ang palagay na ito ay winasak ng 4th Industrial Revolution.

Batay sa mga pagsasaliksik ng mga dalubhasa, ang pag-aaral ay isang aktibo at lubos na personal na proseso (Kaplan at Owings, American Education, 2011). Hindi sapat para sa mga guro na ipakabisa lang sa mag-aaral ang sinasalin nilang impormasyon. Panandalian lang na mamamalagi ang mga impormasyong ito sa memorya ng kabisoteng bata. Pagkaraan ng semestre, itatapon lang ito ng mga bata upang bigyan ng espasyo ang susunod na bungkos ng impormasyon na ipapakabisa sa kanila ng guro. Kaya tuloy kulelat ang Pilipinas sa PISA 2018, SEA- PLM at TIMMS.

Ang utak ng tao ay may likas na tungkulin na matuto at mag-isip. Kanya nga Homo Sapien ang tawag sa atin. Ang nakikita, naririnig at nahihipo ay nakakatulong ng 95 % para matutunan ang isang bagong inaaral. May kakayahan tayo na tuklasin ang mga modelo at relasyon ng ating mundo at gumawa ng mga pagtatantya ng mga ito. Kaya rin natin itama ang ating sarili sa pamamagitan ng pagdaragdag ng ibang impormasyon galing sa labas ng ating karanasan. May kakayahan din tayo na lumikha ng mga ideya at makapag imbento ng mga bagay.

Ngunit dapat pagkatandaan na magkakaiba ang kakayahan ng utak ng bawat tao; kahit pa nga sa magkakapatid. May utak na kayang iproseso ang maraming impormasyon ng sabay sabay. Ang iba ay hindi kaya ito. May utak na madaling makakabisa at maka-alala at mayroon din hindi. May utak na kayang lumikha ng sariling ideya at mayroon din naman utak na inaampon ang ideya ng iba.

May batang magaling sa matematika ngunit walang talino sa sining, musika at palakasan. May mahusay sa musika ngunit talaga naman hindi mo maaasahan sa physics, chemistry, calculus at algebra. Isa ito sa mga dahilan kung bakit may mga bansa na hindi binibigyan ng importansya ang mga marka sa pagsusulit sa mga akademikong aralin, upang hindi isipin ng batang mataas ang marka na siya lang ang magaling, at walang mahalagang kontribusyon ang iba niyang kaklase sa pag-unlad ng lipunan.

Ang utak ng tao na nasa hustong gulang ay isang basa at marupok na masa ng kalamnan na tumitimbang ng kaunti sa tatlong libra. Ito ay halos kasing laki ng isang maliit na suha. Bagaman ito ay kumakatawan lamang sa halos 2% ng timbang ng ating buong katawan, ito ay kumukonsumo ng halos 20% ng ating “calories.” Mahalaga para sa isang guro na maunawaan paano ba umaandar ang utak at isip ng homo sapien at ng maiakma niya ang kanyang pagtuturo dito.

Malaki ang papel na ginagampanan ng tagal ng atensyon (attention span). Ang mga pre-adolescent ay mayroong 5 hanggang 10 minuto upang pag-isipan ang bagong impormasyon bago sila magsawa dito. Karaniwan na maiproproseso ng mga kabataan ang isang bagay sa “working memory” nang masinsinan sa loob ng 10 hanggang 20 minuto bago magsimulang mabagot ang kanilang isip. Para magpatuloy ang pokus, kailangan magkaroon ng pisikal na pagmamanipula ng aralin (pagsusulat, pagguhit, at paghawak ng bagay), o magdaos ng masiglang talakayan at palitan ng kuro-kuro tungkol dito. Kung hindi ito gagawin para mapahaba ang attention span pagkatapos ng naunang 10 hanggang 20 minuto, wala ng edukasyon na magaganap. Naisalin ng guro ang impormasyon sa loob ng isang oras , ngunit hindi ito natutunan ng bata. Kaya kapag mayroon kayong nakitang silid paaralan na tahimik ang mga estudyante , malamang walang nagaganap na edukasyon doon.

Kung mauunawaan lamang ng bawat guro kung paano umandar ang utak at isip ng kanyang estudyante, makakaisip siya ng mga gawain na magagamit ang mga pandama ng bata sa pag-aaral, at tiyak na may edukasyon na magaganap sa loob, at labas ng silid paaralan.

AUTHOR PROFILE