Default Thumbnail

Ang turismo sa Boracay

February 6, 2023 Marlon Purification 849 views

Marlon PurificationNGAYONG halos tapos na ang peligro ng pandemya sa buong mundo, isa sa binigyang prayoridad ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panunumbalik ng turismo sa ating bansa.

Layon ng mahal na Pangulo na makarekober agad ang pamahalaan upang matustusan ang pangangailangang pinansiyal at pangkabuhayan na siyang tutulong sa ating mga kababayan.

Ayon sa datos na ating nakalap, taong 2019 bago pumutok ang COVID-19 ay umabot sa $9.8 bilyon ang kinita ng gobyerno sa pamamagitan ng travel services kung saan ang $9.3 bilyon dito ay nagmula sa kita ng serbisyo na pang-turismo. Kabilang na rito ang pagpunta sa mga hotels, tourists spots, resorts, dive spots, paglalakbay at marami pang iba.

Taong 2021 naman ay umabot lamang ito sa $600 milyong dolyar dahil mangilan-ngilan lang ang mga turistang pumapasok ng bansa.

Kasama sa mga unang proyekto ng administrasyong ito ang palawigin ang pagdami ng mga paliparan at daungan sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Paraan din ito upang dumami ang hanapbuhay at mapaunlad ang sektor ng turismo.

Kamakailan lang ay pinasinayaan ang bagong Clark International Airport. Sa parteng Visayas naman ay nagkaroon ng inagurasyon ang katatapos lang na Boracay Airport kung saan lumapag ang unang international flight nito galing Taiwan.

Maswerte ang Panay island sapagkat nabiyayaan sila ng dalawang airports na parehong gumagana. Nariyan ang Kalibo International Airport na pagmamay-ari ng ating gobyerno at ang isa naman ay ang Boracay Airport na isang pribadong paliparan.

Kung hindi tayo nagkakamali ay pinangangasiwaan ngayon ang Boracay Airport ng isang higanteng korporasyon na kilalang aktibo sa pagpapa-unlad ng Pilipinas.

Ayon sa ating pananaliksik, ang opisyal na pangalan pala ng Boracay Airport ay Caticlan Godofredo P. Ramos Airport, ngunit dahil may kahirapan itong tandaan, mas minabuti ng mga namamahala na tawagin na lang ito na Boracay Airport.

Bukod sa simple at madaling bigkasin, madali ring tandaan dahil kilala na sa buong mundo ang Isla ng Boracay.

Kung ikukumpara ang Boracay Airport sa laki at kapasidad ay di hamak na mas maliit ito kumpara sa Ninoy Aquino International Airport, Mactan Cebu at Clark. Pagdating naman sa modernisasyon ng pasilidad at serbisyo ay lulumain nito ang iba pang mga airports diyan sa Kabisayaan.

Sa ngayon ay hindi rin daw bababa sa 42 na domestic flights at isang international flight mula Taiwan ang nakikinabang sa serbisyong inilaan ng naturang airport. Benepisyong magbibigay ng trabaho sa mga lokal at ginhawa para sa mga dayuhang nangangarap maranasan mala-paraisong lugar ng Boracay.

Ngunit sandali lang. Sa kabila ng maraming katangian na taglay ng Boracay Airport ay ano itong narinig natin na tila kwestyonable raw dito ang ‘attitude’ o pag-uugali ng ilang namamahala rito, lalo na ang mga tauhan ng Office of Transportation Security (OTS) na madalas daw ay arogante sa tuwing dumaraan sa ‘x-ray machines’ nila ang bagahe ng mga pasahero.

Madalas pa nga raw ay pasinghal at maangas ang mga ito kaya naman hindi lang minsan na may nakakasagutan silang mga pasahero.

Gaano kaya ka-totoo ang balita na ilang piloto na nagse-serbisyo sa Boracay Airport ang nagreklamo tungkol sa hindi makatarungan na pagpapa-hubad ng sapatos at belt sa mga ito sa kabila na ang mga ito ay unipormado?

Hindi rin daw nakaligtas sa angas nila ang mga flight attendants at iba pang mga nasa ahensya ng gobyerno na nagsi-silbi sa airport na ito.

Okay lang siguro mag-power trip, pero kung daragdagan n’yo pa ng kayabangan at kabastusan, ibang usapan na iyon!

Siguro naman ay maituturing na “flight risk free” ang mga piloto at flight attendands dahil sa mga kamay nila nakasalalay ang buhay ng mga pasahero!

Dumaan na nga ang mga ito pati personal na gamit nila sa x-ray, pati ba naman belt at sapatos ay kailangang ipahubad pa?

Anong silbi ng metal detectors ng security guards sa airport pati pagkapkap n’yo sa kanila? Di ba OA naman masyado? O sadyang praning lang ang peg ng mga ito?

Ang siste tila naman daw selective ang style of checking ng mga taga-OTS dahil pag mga tiga-Aviation Security Group ay hindi naman sila pinaghuhubad ng sapatos at belt sa kabila na sandamakmak na mga baril at bala ang bitbit nila.

‘Di ba maliwanag na double standard yan?

Marami na rin tayong nadaanan na mga paliparan ngunit bukod tanging Boracay Airport OTS lang ang nagpapahubad ng sapatos sa mga piloto, FAs at iba pa!

Ayaw natin isipin na lack of Good Manners and Right Conduct para matutong rumespeto ang isang kawani ng gobyerno sa mga kapwa nila empleyado ng pamahalaan.

Pero kung sarili nilang kasamahan sa pambansang Paliparan na sila’y makipagbruskuhan, hindi maganda ito para maging produktibo ang kanilang ‘working environment.’

Ika ‘nga,respect begets respect!

Let us hope na bigyang pansin ito ng mga taga-pamahala ng Boracay Airport. Baka dahil lang sa ‘attitude problem’ ng mga taga-OTS ay bumaba ang bilang ng mga pasahero ng airport pati na rin ang antas ng turismo sa lugar.

Sayang!