Default Thumbnail

Ang tahanan ng pamilya

December 4, 2021 Magi Gunigundo 1135 views

Magi GunigundoANG isang bahay at lupa na pag-aari at tahanan ng isang pamilya ay kinikilala ng Family Code na sagradong simbolo ng pag-ibig ng pamilya, lalagyan ng mga matamis na ala-ala ng pagmamahalan , santuwaryo ng kasal na ipinahayag ng batas na isang sagradong institusyon, at silungan ng mga supling ng kasal. Dahil sa mga ito, ang tahanan ng pamilya ay pinapangalagaan ng batas para hindi ito mailit at masubasta upang gawing pambayad sa mga obligasyon ng mga miyembro ng pamilya ( Artikulo 152, 153 ,at 155 ng Family Code at Seksyon 13 ng Rule 39 ng Rules of Court).

Ang ligal na konsepto ng tahanan ng pamilya ay isang tunay na karapatan. Oras na banggitin at tutulan ng isang panig sa paglilitis ng kaso na ang pinupuntiryang ilitin ng hukuman ay tahanan ng pamilya , tungkulin ng hukuman na magsiyasat kung totoo ang sinasabi ng panig na ito. Kung ang ari-arian ay totoong tahanan ng pamilya ayon sa itinakda ng Family Code at Rules of Court, ang hukuman ay hindi maaaring magpalabas ng ‘writ of execution’ laban sa ari-ariang ito. At kung sakaling binalewala ng huwes ang sinasabi ng panig na tutol sa gagawing pag-ilit sa nasabing ari-arian, walang bisa ang order ng ‘writ of execution’ at kailangan itong paslangin at wasakin ng batas sa oras na magpakita ito (Josef v Santos , 2008)

Ang isang bahay at lupa ay magiging tahanan ng pamilya sa sandaling tirhan ito ng isang pamilya (Artikulo 153,Family Code). Kung ang pamilya ay nakakariwasa sa buhay at maraming pag-aaring bahay at lupa, isa lamang sa mga ari-ariang ito ang maaaring ituring ng batas na tahanan ng pamilya sa ilalim ng Artikulo 161 ng Family Code. Isa itong malaking pagbabago ng batas na dati’y kailangan pang idaan sa korte ang pagpapahayag na ang bahay at lupa ay kikilalaning tahanan ng pamilya o di kaya ay sa isang kasulatan na ipapanotaryo at ipaparehistro pa sa Registry of Deeds(Artikulo 225 at 240 ng Civil Code). Sa sandaling nilisan na ng buong pamilya ang Pilipinas at ang tahanan ng pamilya ay nagsisilbing bahay bakasyunan na lamang para may matutuluyan kapag magbabalikbayan ng ilang linggo sa isang taon ang may-ari , at tinitirhan na lamang ng kasambahay o tagapangalaga ng bahay kapag wala ang may ari nito, hindi na maituturing ang bahay at lupa na tahanan ng pamilya at maaari na itong ilitin at gamiting pambayad sa utang (Manacop v CA, 1997).

Kapag ang mga magulang ng pamilya o di kaya ay ang ulo ng pamilya na walang asawa ay namatay, mananatili pa rin bilang tahanan ng pamilya ang bahay at lupa sa loob ng 10 taon o higit pa rito hangga’t mayroon miyembro ng pamilya na wala pa sa wastong edad . Sa loob ng panahong ito, ang bahay at lupa ay hindi maaaring paghati-hatian ng mga tagapagmana ng namatay ,maliban na lamang kung may nakitang mabigat na dahilan ang hukuman para mag utos na hatiin na ang bahay at lupa( Artikulo 159, Family Code). Layunin ng batas na mapigilan ang pagkakawatak watak ng pamilya sa oras na mamatay ang mga magulang ng pamilya (Arriola v Arriola,2008).

Ang isang tahanan ng pamilya ay hindi maaaring ilitin maliban sa mga sumusunod na dahilan: a)ang hindi pagbabayad ng buwis, b). Para sa mga utang bago naging tahanan ng pamilya ang bahay at lupa, k) Para sa mga utang na ginarantiyahan ng sanla ng bahay at lupa , at d) Utang sa mga manggagawa na nagtrabaho o materiales na ginamit sa pagpapagawa ng bahay ( Artikulo 155, Family Code). Ayon sa Artikulo 156 ng Family Code, hindi dapat lumampas sa P300 daang libo sa kalunsuran at P200 daan libo sa kanayunan ang halaga ng tahanan ng pamilya ng ito ay mabuo. Sinasabi rin ng batas na maaaring mabago ang halagang ito ng iba pang batas o di kaya ay sa pagsasaalang alang ng hukuman sa pagbabago ng halaga ng piso mula Agosto 1988 ng nagkabisa ang Family Code.

Ang tahanan ng pamilya ay pinapangalagaan ng batas upang ang mga nakatira dito ay hindi mawalan ng silungan at hindi mabasa sa panahon ng tag-ulan at magkaroon ng mahimbing na tulog sa gabi dahil ligtas sa mga masasamang loob. Gaano pa man katindi ang pag-iingat ng batas sa tahanan ng pamilya, mawawasak pa rin ang isang pamilya kung hindi nito paiiralin ang pagmamahalan sa loob ng tahanan. Sabi nga ni Abraham Lincoln, ‘ang isang tahanan na hati ay hindi magtatagal at guguho ito’ ( Marcos 3:25).

AUTHOR PROFILE