Ang ‘Sulong Pasay’ at “kondisyones” sa ‘peace talks’

June 10, 2021 Paul M. Gutierrez 227 views

PaulKAMAKAILAN pala, kasamang Ariel ‘Dugoy’ Fernandez, may inilunsad ang isang grupo ng mga kilala at respetadong mga ‘business leaders’ ng bansa ang isang bagong “’socio-civic organization’ na ‘Sulong Pasay.’

At bago “ngumawa” na “ang aga namang pamumulitika nyan!” ang ilang mga kurimaw, ehek, mga grupo, eh, teka muna, mga bosing. Hindi kasi ito samahan ng mga pedicab drivers at mga urban poor at iba pang mga maralita na “balon ng boto” tuwing halalan.

Ilan sa mga kilalang pangalan sa negasyo (business leaders) na nagsusulong ng Sulong Pasay ay sina PhilExport President Sergio Ortiz- Luis Jr., Ambassador Benedicto Yujuico (PCCI), at PhilExport Chairman George Barcelon na isa rin sa mga Board of Directors ng BDO.

Kasama rin sa grupo sina PSE Chair at dating Trade Secretary Jose Pardo, dating Tourism Secretary Mina Gabor at marami pang ibang mga respetadong mga negosyante na kung tawagin ay mga ‘captains of the industry.’

Sa unang tingin pa lang sa listahan ng mga pangalan ng bumubuo ng Sulong Pasay, eh talagang “may kredibilidad” ang grupong ito!

Ayon pa sa mga miron, ang pangunahing layunin ng Sulong Pasay ay hindi tiyakin ang ‘re-election’ ni Mayora Emi Calixto, hane?

Bagkus, ang tulungan ang city government na makabangon mula sa matinding epekto ng pandemya. Translation? ‘Job creation’ at ‘economic recovery’ daw ang kanilang puntirya, yeheyy!

Puwedeng sabihin na game changer para sa Pasay City ang paglulunsad ng grupo. Ito kasi ang kauna-unahang samahan ng mga negosyante na walang ibang hangad kundi tulungan ang local government (LGU) na umunlad at makabangon ang ekonomiya na sinalanta ng pandemya.

Ito ay gagawin nila sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga karagdagang negosyo sa lungsod para makalikha ng mas maraming trabaho.

Makikipagtulungan din sila sa local government upang bumuo ng mga pangmatagalang plano para makaakit ng mga local at foreign investors na maglalagak ng kanilang mga puhunan sa lungsod.

At dahil “dalisay” ang mithiin, “todo-suporta” (siyempre) si Mayora Emi! Alam kasi niya na malaki ang maitutulong ng grupo upang mas lalo pang mapabilis ang progreso ng kanilang siyudad.

Sa isang panayam kay PhilExport Chairman Barcelon, ipinaliwanag niya na ang ideya ng Sulong Pasay ay nakuha nila mula sa ‘Sulong Pilipinas.’

Aniya ang Sulong Pilipinas ay tinutulungan ang national government na mapatatag ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga negosyo at ang Sulong Pasay naman ay gagawin nila sa local level.

Napapanahon talaga ang Sulong Pasay lalo pa at dumami na naman ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Abril, kasabay ng pagbalik ng mas mahigpit na quarantine restrictions sa NCR at ilang karatig-probinsya.

Ayon pa rin sa datos ng gobyerno, pumalo ang unemployment rate sa NCR sa 14.4 percent sa buwan ng Abril. Mas malala pa ito kumpara noong Abril 2020 na 12.3 percent lamang.

Tinamaan ng lockdown ang mga industriya ng retail, manufacturing at construction.

Sa buong bansa, nanatiling nasa 8.7 percent ang unemployment rate ngayong Abril 2021, at umakyat pa ang underemployment rate sa 17.2 percent.

Kaya sinabi ni Barcelon na sa pamamagitan ng Sulong Pasay ay mas mapapabilis na ang proseso ng pagnenegosyo sa siyudad na malaki ang maitutulong para mabawasan ang walang trabaho sa Metro Manila.

“Alam naman natin na madalas ang problema ng business sector ay iyong bureaucracy, pinapaikot-ikot ang mga kumukuha ng mga permit at ibang papeles na siyang nagiging dahilan para bumagal ang proseso at mawalan ng gana ang mga negosyante,” sabi niya.

Kaugnay nito ay tiniyak din ni Mayora Emi na handa ang city government na ibigay ang lahat ng suporta na kailangan ng mga negosyante.

Sa ganitong ‘win-win situation, walang nakikita ang mga miron kundi ang mabilis na pagsulong at pag-unlad ng Pasay City. Kumbaga, sana all, tama ba, kasamang Bobby Ricohermoso, hehehe!

Abangan!

***

Sa brutal na pagpatay ng CPP-NPA kay ‘rising Philippine football athlete’ Kieth Absalon ng FEU Tamaraw at sa kanyang nakatatandang pinsan noong Linggo, Hunyo, 6, 2021, ang nakikitang “solusyon” ng mga prenteng grupo ng CPP sa Kongreso ay ang pagbabalik ng usapang pangkapayapaan (peace talk).

Matagal nang “tigok” ang peace talk ng GRP at CPP/NDF matapos itong pormal na tuldukan ni PDU30 noon pang Marso 2019, higit dalawang taon na ngayon ang nakaraan. Kung paano naman “bubuhayin ang patay” eh, kailangan siyempre ng isang malaking “milagro.”

Bagaman, sakaling mahikayat si Pang. Rody na bumalik sa peace talk, eh, puwede naman ‘under the new normal’ o ‘new realities’ na dapat ding tanggapin ng CPP at kanilang mga “tagakahol” sa Kongreso. At ano ito? Dahil ‘formally ended’ na ang peace talk, ano mang pag-uusap ay “magsisimula sa wala” (back to zero).

Sa madaling salita, huwag nang ipilit ng CPP at Makabayan Bloc na “ibalik” ang JASIG, JMC at CAHRIHL, etc., etc., dahil back to zero na nga lahat hindi ba? Translation? “Basura” na lahat yan, hane?

At habang nag-uusap, hindi rin dapat itigil ng militar at pulisya ang kanilang mga operasyon laban sa mga NPA at ano mang programa upang matigil na ang terorismo dahil nga wala pang bagong napagkakasuduan.

Ganun din siyempre, ang NPA, ituloy lang din nila ang kanilang ginagawa dahil muli, wala pang bagong kasunduan.

At sa negotiation proper, mainam din siguro na isumite ng CPP/NDF ang mga pangalan ng mga kausap ng gobyerno at dapat itong isapubliko.

Huwag nang balikan ang sitwasyon na lahat na lang pala ng lider at kumander ng CPP-NPA, ‘peace consultant’ o ‘peace negotiator’ kapag nahuli ng militar. Kailangan, nakalista ang mga pangalan at bilang ng mga kausap ng gobyerno at alam ito ng bawat Pilipino.

Mainam din na para mapabilis ang proseso eh, ideklara na ng CPP-NPA kung alin bang bahagi ng ‘Pinas ang kanilang “teritoryo?”

Para sakaling magkaroon ng ‘ceasefire’ alam ng AFP at PNP ang mga lugar na bawal nilang basta na lang pasukin.

Hindi ba kaya rin naging matagumpay ang peace talk sa MNLF at MILF ay idineklara nila ang sakop nilang teritoryo—na “kinilala” naman ng gobyerno.

Abangan ulit!

AUTHOR PROFILE