Ang problema sa COA

August 20, 2021 Allan L. Encarnacion 210 views

Allan EncarnacionWALA naman talaga dapat pagdebatehan sa posisyon at mandato ng Commission on Audit (COA) bilang state auditor.

Maliwanag naman na nasa kanilang poder ang pagbusisi kung tama bang nagagasta at angkop ba ang paggamit ng pondo ng bansa.

Sa lahat halos ng local na pamahalaan, may mga tinatawag na residence COA. Ito iyong parang epoxy na idinikit sa mga munisipyo para mabantayan ang tamang paggasta sa pera ng lokal na pamahalaan.

Pero kahit nakatali na sa pintuan ng mga city hall ang COA at labas pa ang dalawang pangil, maitatanong mo rin kung bakit sangkatutak pa rin ang katiwalian sa mga lokal na pamahalaan. Sa tingin ko lang, kung nagagawa nang tama ng COA ang kanilang trabaho, malaki ang mababawas sa katiwalian saan mang sulok ng gobyerno.

Ang magandang tanong, bakit nakakalusot ang mga ghost employees at mga illegal “job orders” sa mga lokalidad na milking cow ng maraming lokal na opisyal?

Halimbawa na lamang ay ang isang alkalde, bise alkalde at mga konsehal kasama na ang mga kapitan ay may allocation ng kani-kanilang mga job orders. Ito iyong klase ng sistemang may suweldo pero walang trabaho! Political accommodation ang talagang tawag dyan alya one for you two for me!

Halimbawa, ang isang bise alkalde ay may allocation na 200 job orders na ang suweldo ay P8,000 kada buwan. Karamihan sa mga yan, pinagsumite lang ng biodata at binibigyan ng tig-P2,000 kada buwan pero iyong P6,000 para kay vice na iyon. Pero sa iba, mas garapal, bibigyan lang ng one time 3k pagkatapos papirmahin ng biodata, goodbye na!

Sa mga konsehal, hindi bababa sa 50 hanggang 80 ang JO. Ganoon din ang sistema kay bise. Ang mga kapitan na kakampi ni mayor, mayroon din tig-10 hanggang 15 JO. Puwera pa ang mga JO para naman sa mga department heads.

Kung 200 ang JO ni bise-alkalde, imagine kung gaano karami ang JO ni mayor.

Ito iyong sinasabi ko sa COA, anong mga hakbang ba ang kanilang ginagawa para malinis ang pamahalaang nasyunal at lokal laban sa pagsipsip ng dugo sa pondo ng bayan?

Ngayon babalik tayo sa aspeto na hindi dapat makuwestiyon ang kanilang mandato. Tama talaga iyon. Ang mali lang, may sistema sa COA na mas nauuna ang press release kaysa final report ng kanilang mga imbestigasyon.

Halimbawa si Agency A ay pinagpapaliwanag sa nagastos na pera. Si Agency B naman, hinahanapan ng mga dokumento sa biniling kagamitan.

Ang tanong, kung parehong pinagpapaliwanag pa lang sila, bakit ang nagdudumilat ng headline ay may nakawan na sa ahensiya?

Ang punto natin dito, kung hindi pala final at sinasabi ng COA na kulang lamang sa documentation ang naisumiteng liquidation, bakit pagnanakaw na ang anggulo sa mga balita?

Ang sagot, mismong mga taga-COA ang naglalabas ng hindi pa pinaleng dokumento at face value ng press release nang walang legal bearing.

Halimbawang along the way ay nasagot ng ahensiya at naisumite ang mga kailangang liquidation paper at napatunayang walang katiwalian, paano ngayon lilinisin ng COA ang isang tao or isang ahensiya na sinalaula na sa headline?

Puwede bang maglabas din ng headline ang media na sasabihin nilang “wala palang anomalya, mali kami!” Siyempre hindi, ibabaon na sa balitang bulilit sa page 99 ng kanilang diyaryo ang paglilinis sa isyu at kung mamalasin, hindi na rin ilalabas dahil mapapahiya sila.

Ang audit investigation ay katulad din dapat ng spy operation na walang nakakaalam until matapos at conclusive na ang findings. Ang nangyayari sa ibang sistema ng COA, parang nagkukutuhan lang sa hagdanan kung maglabas ng istorya!

Ang panawagan natin sa COA, para hindi sila mapag-isipan ng masama, or mapagbintangang namumultika or nagpapagamit kung kani-kanino, dapat kumilos sila nang pino at disente.

Sabi nga, hindi ka naman puwedeng maglaro ng basketball kung naka-tuxedo ka!

Ibagay din ang kilos sa posisyon, please.

allanpunglo@gmail.com