Default Thumbnail

Ang palakasan ay Digmaan na walang barilan

July 31, 2021 Magi Gunigundo 355 views

Magi GunigundoBINABATI natin si Bb. Hidilyn Diaz sa kanyang tagumpay sa Tokyo 2020 Olympics sa pagwawagi ng kaununahang Olympic Gold medal ng isang Pilipina. Sa kanyang timbang na 55 kgs, nabuhat niya ang 127 kgs na barbel (katumbas ng dalawa at mahigit na kalahating cavan ng bigas).

Maraming taon ang ginugol ni Hidilyn para makarating siya sa makasaysayang tagpo ng pag -angat ng barbel sa kanyang balikat at buong lakas na maitaas ng lampas sa kanyang ulo gamit ang mga nakaunat na braso sa loob ng napakaikling sandali noon Hulyo 26,2021. Ang gintong medalya ay nakamit ng pinagsasama-samang lakas na talento, tiyaga at sakripisyo ni Hidilyn; patnubay, gabay, karanasan at galing ng Team HD; at ng pera ng mga sponsors ni Hidilyn. Ang panalong ito ni Hidilyn ay tunay na nag-angat ng diwa at napagkaisa ang hati-hating sambayanang Pilipino sa kabila ng pandemiya.

Bagamat puro paltos ang mga palad ni Bb Diaz sa kakaensayo sa pagbuhat ng barbel, bahagi ng tagumpay ni Hidilyn ang Team HD na binubuo ng apat na tao: isang Chinese coach, at mga Pilipinong trainor, dietitian at psychologist. Ang pangkat na ito ang nagdisenyo ng training at drills, food plan, weight at strengthening program na mahigpit na pinatupad sa nakalipas na dalawang taon para physically at mentally fit si Hidilyn sa araw ng kanyang kompetisyon sa Japan.

Bukod pa sa Team HD, malaki rin ang naging suporta ng Philippine Sports Commission at MVPSF na nagbigay ng tulong pinansyal kay Hidilyn para maitaguyod ang gastusin sa kanyang paghahanda .

Tinukoy ni George Orwell ang palakasan bilang “digmaan na walang barilan.” Ang perspektibo ni Orwell ang magpapaliwanag sa mga kilos ng mga bansa tulad ng Estados Unidos, China, at Russia na namumuhunan ng malaki sa palakasan. Naniniwala sila na ang tagumpay sa internasyonal na paligsahan tulad ng Olympics, ay nagpapatunay ng bisa ng kanilang pambansang pilosopiya ng walang dugong dumadanak. Kanya tuloy may mga bansa na di-umano’y nagpapalsipika ng mga sertipiko ng kapanganakan o sa pagiging mamamayan nito para makasali ang manlalarong sobra o kulang sa edad o di kaya’y isang banyaga. Ang ibang bansa naman ay patagong kinukunsinti at pinahihintulutan ang paggamit ng steroids at iba pang “performance enhancing drugs” ng kanilang manlalaro na ipinagbabawal ng mga pederasyon ng palakasan. Digmaan ang palakasan at kailangan gawin ang lahat, ligal man o hindi, para manalo.

Gamit ang perspektibo ni Orwell, lalong lumaki ang ating paghanga kay Hidilyn Diaz na itinuring na digmaan ang Tokyo Olympics. Nagwagi sa digmaan sa buhatan ng barbel si Hidilyn ng walang isang bala man lang na pinaputok.

Silver medalist ang tagabuhat ng China kaya galit daw ang China sa Chinese coach ni Hidilyn dahil hindi nito isiniwalat sa China ang laki ng hinusay at kung gaano na kalakas si Hidilyn. Sinabi ni Sun Tzu sa Art of War na bahagi ng ano mang digmaan ang panlalansi at panlilinlang sa mga kalaban at paglilihim ng lakas at puwersa ng hukbo upang magulat ang kalaban at hindi makapaghanda ito. Mukhang sinunod ng Team HD ang prinsipyong ito ni Sun Tzu kaya naman may uwing gold medal si Hidilyn.

Sinusuportahanan natin ang Philippine Sports Commission (PSC) sa kanilang naging pasya na paglalaan ng pinakamalaking bahagi ng badyet nito sa “tier one sports” – mga piling laro ng palakasan na mayroon tayong pinakamataas na tsansa na manalo ng mga medalya sa Olimpiko. Marami tayong mga atleta sa weightlifting , takbuhan, taekwondo, archery, karate, bowling, swimming, golf, tennis, badminton, table tennis, skate boarding, boxing at gymnastics na naghihintay ng suporta ng pamahalaan at ng pribadong sektor para makapag-uwi rin ng medalyang ginto sa lokal at mga internasyonal na kompetisyon.

Ang mga malalaking negosyo na umuubos ng P85 milyon hanggang P200 milyon para lang sa kanilang koponan ng basketball sa PBA at mga pamantasan na may mga koponan sa UAAP at NCAA na gumagastos ng P100 milyon kada taon ay dapat magsuri ng sarili sapagkat panahon na para maglipat ng pondo sa mga ibang laro na kaya din naman makakuha ng atensyon ng madla sa kanilang produkto o pamantasan na nilalako sa merkado at makakapag-uwi ng medalya mula sa Olympics.

AUTHOR PROFILE