Default Thumbnail

Ang pagsasaka ay hindi biro

April 1, 2023 Magi Gunigundo 415 views

Magi GunigundoNAGBABALA si dating Agriculture Secretary William Dar noon 2021 na kung walang hakbang na gagawin para mapabuti ang buhay ng mga magsasaka, at pati na rin ng mga nagmamalakaya (mangingisda), haharapin ng Pilipinas sa loob ng 12 taon (10 taon na lang ang nalalabi dahil 2023 na po), ang malubhang problema ng kakulangan ng pagkain para sa lumalaking populasyon ng mga Pilipino.

Hindi hokus pokus ang sinabi ni Dar. Makikita sa isang pag-aaral noong 2020 ng retiradong antropolohiya na si UP Prof Florencia Palis, ang mga sumusunod: 1) ang katamtamang edad ng mga Pilipinong magsasaka ay 53 años- tumanda sila mula sa edad na 46 años noong 1966 ; at 2) sila ay nagtatrabaho sa bukid sa loob ng 25 taon. Kung ipagpalagay na ang edad ng pagreretiro ay 65 años , mayroon na lamang silang 12 produktibong taon na natitira, at walang sapat na bilang ng kabataang Pilipino na hahalili sa kanila, kahit na mismo ang kanilang sariling mga supling. Sa katunayan, ang mga magsasaka mismo ay aktibong hinihikayat ang kanilang mga anak na huwag sumunod sa kanilang mga yapak bilang maglulupa.

Ayon sa ulat ni Palis na pinamagatang, “Aging Filipino Rice Farmers and their aspirations for their children,” aabot sa 65% ng 923 magsasaka na na-sarbey, ang naniniwala na ang kanilang mga anak ay walang kinabukasan sa pagbubungkal ng lupa. Para sa isang maginhawang buhay, ang pagsasaka ay itinuturing na huling pipiliing paraan ng hanapbuhay. Mas gugustuhin ng mga magsasaka na makatapos ng kolehiyo na walang kinalaman sa agrikultura ang kanilang mga anak at makahanap ng mas matatag na trabaho sa mga lunsod o sa ibang bansa. Ito ang magpapalaya sa mga anak sa pisikal at pinansiyal na pasanin na dinaranas nila bilang mga magsasaka at mangingisda.

Ang magsasaka ng palay ay nakakulong sa isang walang katapusang siklo ng pagkakautang dahil karamihan sa kanila, bagamat pag-aari ang bukid, ay walang kapital na kailangan upang makapagdayatan sa panahon ng pagtatanim. Hindi libre ang araro ( kalabaw man o kuliglig na traktora) , binhi, pataba, at upa sa manananim. Ang mga impormal na usurerong nagpapautang ay nagpapataw ng mabigat na 20% buwanang interes na lumalamon ng bulto ng kita sa anihan. At iyan ay kung papalarin na ang palay ay hindi napeste, natuyot o binaha dahil sa nagbabagong klima na naghahatid ng mas madalas at mas malalakas na bagyo, gayundin ang mas malala at matagal na tagtuyot.

Dahil dito, nananatiling pinakamahirap sa lipunan ang mga magsasaka at mangingisda batay sa PSA 2021 poverty statistics. Pinakamataas na saklaw ng kahirapan sa 30.6% ang mga mangingisda at 30% para sa mga magsasaka. Hindi tulad ng mga magulang na mayor, congressman, gobernador, heneral, kolonel, kapitan, doktor, inhinyero, abogado, at negosyanteng dambuhala, walang magulang ang humihikayat sa mga anak na sumunod sa kanyang yapak na magsaka o mangisda sapagkat nangangahulugan ito ng buhay na baon sa utang at kahirapan , hindi ginagalang at walang boses sa lipunan. Walang sinuman ang maaaring sumisi sa mga magsasaka sa pagpigil sa kanilang mga anak na pumasok sa agrikultura sapagkat, sabi nga ng awit, ang pagsasaka ay hindi biro.

Hindi nakakagulat na napakaraming tao ang umaalis sa sektor ng agrikultura. Ang ulat ng NEDA ay nagpapakita na ang bilang ng mga Pilipino sa agrikultura ay bumagsak ng 25% o 9.07 M noong 2017 mula sa 12.25M noong 2010. 15 sa 17 rehiyon ng bansa ang nawalan ng trabahador sa agrikultura sa pagitan ng 2010 at 2017. Karamihan sa kanila ay permanenteng lumipat sa mga trabaho sa konstruksyon, info tek, business processing management, transportasyon bilang drayber, empleyado ng karinderia at restawran, mga manggagawa sa paktori at kasambahay.

Sa aking opinyon, hindi na kailangan pang gumawa ng bagong plano ang pamahalaan sapagkat kalaban natin ang oras. Mayroon ng binalangkas na mga road map sa iba’t ibang bahagi ng sektor ng agrikultura na akma sa patakaran ng modernisasyon ng sektor. Lagyan ito ng pondo at pamahalaan ng mga matinong tao na magpapatupad nito para magkaroon ang mga magsasaka at mangingisda ng akses sa perang mauutang sa mababang interes ng walang hinihinging kolateral , infra at tech support, ayuda para sa mas murang binhi, pataba at pestisido. At isang sistema na “mala-community pantry” na magtutulay sa mga magsasaka at mangingisda sa nayon at mga mamimili sa lunsod na kakain ng pananim na hindi dumaraan sa mga biyaherong binabarat ang una at tinataga ang huli.

AUTHOR PROFILE