Magi

Ang paglilibing ay maselang bagay

February 8, 2025 Magi Gunigundo 422 views

“Hindi maaaring ariin ang isang patay na katawan sa komersyong kahulugan, ngunit may karapatang ilibing ito na kikilalanin at proprotektahan ng mga hukuman. Ang karapatang ito ay sumasaklaw sa pagpili ng lugar ng libingan at sa pagbabago nito ayon sa kasiyahan ng mga naiwan. Ang karapatang ito, sa kawalan ng testamentaryong disposisyon ng katawan, ay isang pagmamay-ari ng mga kamag-anak.”- Neighbors v. Neighbors, 112 Ky., 161

Ang paglilibing ng isang mahal sa buhay ay kadalasan nagpapatamis ng pagmamahalan ng pamilya. Kung mayroon mang hidwaan na namagitan, pinapahiran ito ng pagmamahal sa namatay upang magpatawad at umpisahan ang bagong yugto ng relasyon ng mag-asawa, magkakapatid at magpipinsan. Subalit hindi maikakaila na pinagmumulan din ito ng kontrobersya na nagpapalala ng pangungulila ng pamilya at nasisira ang wastong solemnidad na dapat mangibabaw sa paghahatid sa huling hantungan ng tao, at maaaring humantong sa walang pakialaman. Ang paglilibing ay maselang bagay na maaaring magbigkis o maglayo ng pamilya.

Oras na mamatay ang isang tao, maraming tanong ang dapat sagutin, halimbawa: anong ataol ang gagamitin, anong damit ang isusuot sa namatay, saan ito ibuburol, ikrikimeyt ba o ililibing sa hukay o sa nitso, anong seremonya, parangal o di kaya ritwal ng pananampalataya ang igagawad sa yumao, at ano ang isusulat sa lapida. Lahat ng mga tanong na ito ay maaring umabot sa matinding pagtatalo na makakabalam sa libing ng yumao.

Upang maiwasan ang gulo at pag-aaway, inilatag ng Civil Code sa Artikulo 305,306, 307 at 308 kung sino ang binigyan ng batas ng karapatang sumagot sa mga tanong tungkol sa“funerals.” Kung may huling habilin ang namatay kung papaano siya ililibing, dapat itong igalang ng may karapatan magpasya. Kung wala nito, prayoridad ang balo o biyudo. Kung walang asawa ang namatay, mga magulang o di kaya ang lolo o lola sa ama. Kung walang magulang at asawa, ang magkakapatid at ang panganay ang may karapatan magpasya pagkaraan sumanggunisa mga kapatid. Kung walang mga kamag-anak, Estado ang magpapalibing.

Noon unang panahon ng kalakasan ng simbahan sa lipunan, oras na mamatay ang isang katoliko, simbahan ang nangangasiwa sa paglilibing dahil ang bangkay ay res nullius (bagay na hindi maaaring ariin). Subalit sa modernong panahon sa paglakas ng sekular na pamahalaan, ang mga naiwan ay nagkaroon ng “quasi-property right” sa bangkay at ang pilosopiyang ito ang sinusunod ng Civil Code.

Sa Pilipinas, dalawang kaso tungkol sa paglilibing ang pinagpasyahan ng Korte Suprema. Sa unang kaso, kinilala ang karapatan ng mga kapatid ng dalagang babaeng namayapa dahilwalang karapatan sa labi ng yumao ang kinakasama nitong lalaking may-asawa na (Tomas Eugenio Sr v.Velez [1990]). Sa ikalawang kaso, kinilala ang karapatan ng tunay na misis sa labing namatay upang ilipat sa puntod na pag-aari ng lehitimong pamilya ang nasirang asawa na may ilang taon nang nakalibing sa mausuleo ng kalunyang nakasiping sa mahabang panahon hanggang sa mapagutan ng hininga ang namatay ( Valino v Adriano [2014])

Mas marami at kawili-wili ang mga kaso sa Amerika tungkol sa libing. Nandiyan ang away ng Obispo ng simbahang kinaaniban ng namatay at ng balo nitong umalis sa simbahan at nais na ilipat ang labi sa sementeryong hindi katoliko ( Yome v Goman [1926]). Mayroon din tatay na kinasuhan ng mgakamag-anak dahil hindi pinasabihan silang namatay ang kanilang pamangkin (Seaton v Commonwealth [1912]). Nagkaroon din ng laban ng mga pamangkin sa tuhod sa asawa at ng isang istrangherong nagmamalasakit na ilipat ang labi ng isang congressional medal of honor awardee sa Libingan ng mgaBayani mula sa napabayaang puntod ng mahigit 80 taon (In re: Remains of Chester Howard West[2017]) at kaso ng daños perwisyo sa sementeryong nagpalibing ng bangkay ng hindikaharap ang pamilyang nahuli ng dating (Speigel v Evergreen Cemetery[1936]).

Ang Araw ng mga Puso ay para sa mga buhay at mga yumaong mahal sa buhay. Unawain at sundin ang Civil Code sapagkat maselang bagay ang paglilibing ng mahal sa buhay.

AUTHOR PROFILE