DaKing

‘Ang Padrino’ at ‘Ang Pagbabalik ng Panday,’ hatid ng ‘FPJ: Da King’

May 22, 2021 People's Tonight 243 views

Patuloy ang paghahatid ng ABS-CBN ng dekalidad na programa tuwing Linggo sa TV5 sa buong bansa dahil mapapanood na ang patok na mga pelikula ni Fernando Poe Jr. na Ang Padrino at Ang Pagbabalik ng Panday sa FPJ: Da King ngayong Mayo 23 at 30.

I-rescan lang ang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus, para mapanood sa TV5 ang mga pelikulang ito.

Samahan si FPJ sa Ang Padrino sa kanyang pagganap bilang si Emong, na kinikilalang “padrino” sa kanyang bayan dahil sa kakayahan nitong ayusin ang anumang gusot.

Pero masusubok si Emong dahil may mga maimpluwensyang tao ang makakalusot sa batas na siya niyang ikagagalit at magtutulak sa kanya para ialagay sa sariling kamay ang batas.

Samantala, nagbabalik naman si Flavio para tugisiin ang nabuhay na si Lizardo (Max Alvarado) sa Ang Pagbabalik ng Panday.

Sa kanilang pagtugis sa kaaway, haharapin nina Flavio at mga kakamping Temyong (Lito Anzures) at Lando (Bentot, Jr.) ang mga demonyo at si Bruhilda (Rosemarie Gil), ang diwata bumuhay kay Lizardo at nagbigay sa kanya ng kapangyarihang kayang tapatan ang sandata ni Flavio.

Mapapanood ang FPJ: Da King tuwing Linggo mula 2 hanggang 4 p.m. sa TV5, pagkatapos ng ASAP Natin ’To, kung saan natutunghayan ang weekly concert experience tampok ang world class performances ng pinakasikat na Kapamilya celebrities.

Isa ang TV5 sa platforms kung saan nae-enjoy ang mga palabas ng ABS-CBN sa patuloy nitong paghahanap ng paraan na maabot ang mga Pilipino.

Kamakailan, inilunsad ng ABS-CBN ang “‘Andito Kami Para Sa ’Yo” campaign, isang taon matapos itong mawala sa ere, para ipaalala sa mga Pilipinong andito pa rin ang ABS-CBN para maglingkod at magpalabas ng mga programa sa free TV, cable TV at online.

Bukod sa TV5, mapapanood din ng mga taga-Visayas at Mindanao sa cable ang FPJ: Da King sa A2Z Channel at Kapamilya Channel.

Kung gustong manood online, pwedeng tutukan ang mga palabas ng ABS-CBN sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.

Para makapanood naman ng advanced episodes, pwedeng gamitin ang iWantTFC app at website, pati na ang WeTV at iflix.

AUTHOR PROFILE