Ang migrant workers at si former DFA secretary Alan Peter Cayetano

June 2, 2021 Allan L. Encarnacion 382 views

Allan EncarnacionIPINAGDIRIWANG natin sa linggong ito ang National Migrant Workers Week.

Ito iyong mga araw na kinikilala natin ang kabayanihan ng mga manggagawang Pinoy na pinadpad ng kanilang kapalaran sa iba’t ibang panig ng mundo.

Batay sa record ng Philippine Statistics Authority o PSA, nasa 2.3 million ang documented OFWs. Ibig sabihin, hindi kasama rito iyong mga nagturista muna bago nakipagsapalarang magtrabaho sa ibang bansa. Hindi ito kasing dami ng documented pero tiyak na significant din ang numero nito.

Sa maraming pagkakataon, iyong mga OFWs ang naging salbabida ng ating ekonomiya. Sa panahong hindi ganoon kaganda ang Gross Domestic Product, ang mga dollar remittances ng mga kababayan natin sa abroad ang naging sandalan ng estado. Kaya nga sa maraming pagkakataon, itinuturing natin silang mga buhay at bagong bayani.

Ang problema, sa ibang panahon, sa papel at sa media lamang sila pinapahalagahan ng nagpapalit-palit na administrasyon. Dito lamang sa panahon ni Pangulong Duterte nabigyan ng totoong atensiyon ang problema ng ating mga manggagawa sa abroad.

Nasukat natin ang malasakit ng Duterte administration sa giyera sa Lebanon at ang worldwide pandemic. Isama mo na ang iba pang krisis na nangyayari abroad. Maagap at masigasig ang repatriation ng mga kababayan nating kailangan nang ibalik dito, lalo na iyong mga may distress calls.

Sa totoo lang, kung mayroon mang arkitekto ng genuine malasakit sa mga manggagawa sa abroad, wala pa sigurong makatatapat sa ginawa ni former Foreign Affairs Secretary, Taguig Congressman Alan Peter Cayetano na former House Speaker at ka-tandem ni Majority Flooleader Martin Romualdez sa magagandang legistlative agenda gaya ng Bayanihan 1 and 2.

Iyong pondong ginagamit sa repatriation, nagmula yan sa Assistance To the National (ATN) na braindhild ni Cayetano. Umaabot ito sa halos P1 bilyon na agresibong ini-lobby niya kay Presidente Duterte para nga may magamit sa mga problema ng OFWs na gusto nang umuwi sa panahon ng krisis.

Sa panahon din ni Cayetano bilang DFA secretary naging 10 years na ang validity ng ating mga passports. Marami ring mga OFWs ang nakinabang sa pagbuwag ng Kafala system na mistulang bumibihag sa ating mga manggagawa sa Middle East.

Ang Kafala system ay iyong puwersahang idedeposito ng OFWs ang kanilang cellphone at passport kapag nagsimula na silang magtrabaho. Ito rin iyong sistemang pinapasa-pasa ng mga employer ang ating mga kababayan kahit kanino para magtrabaho. Buwenas kung may suweldo pero may mga istorya tayong nakita na ang isang Pinoy DH ay naglilingkod sa tatlong bahay o tatlong pamilya pero iisa lang ang suweldo.

Maging ang paglikha ng walong bagong Philippine consular office ay naipatupad din ni Cayetano para mas maging accessible sa ating mga manggagawa sa abroad. May mga bansa o territory na walang consular, or embassy or Labor offce na natatakbuhan ang mga mangggawa natin kaya malaki ang impact ng pagkakaroon ng bagong consular offices abroad. Minsan, isang consular office, tatlong teritoryo ang sakop kaya durog na sa hirap ang mga OFWs natin, wala pang malapitan.

Sa tingin ko, ang mga ginawang ito ni Cayetano para sa mga OFWs ay isang paraan ng pagsaludo at pagkilala sa kontribusyon ng mga manggagawang Pinoy na dapat maging bahagi ng selebrasyon ng Migrant Workers Week taun-taon.

Mabuhay ating mga manggagawang Pinoy sa ibayong dagat!

allanpuunglo@gmail.com