Ang mga mangga ni Lolo

January 23, 2022 Joey C. Papa 200 views

JoeyNaging kontrobersyal ang isang 80 anyos na lolo sa Pangasinan kamakailan lang dahil sa ikinulong siya sa salang “pagnanakaw” ‘umano ng mga mangga.

Diumano’y dati niyang lupa ang kinattirikan ng punong manggang kalabaw.

Maraming nagulat sa mga kaanak niya at kalugar dahil hindi naman masamang tao si Lolo at sa idad niyang yon ay pagnanakaw pa ba ng mangga ang magiging kaso niya. Ang lolo ay si G. Narding Floro.

Ngunit totoong nangyari ito at kalat na kalat sa media ang larawan ng binatang lolo ayon sa kanyang pamangkin. Nakasalampak pa siya sa isang presinto sa Pangasinan. Marami naman ang tumulong kay Lolo Narding maging ang mga pulis na nagkontribusyon upang may mapang-pyansa ang lolo.

Nainterbyu pa nga silang magtiyuhin sa programa ni Kabayang Noli De Castro.

Nanindigan si Lolo Narding na kanya ang lupang pinagtamnan ng lupa kaya may karapatan siya sa bunga ng mangga. Ngunit sa panayam ni Kabayan sa pamangkin ni Lolo ay tumanggi na itong talakayin ang mga ligal na aspeto ng usapin.

Noong bata ako ay may matandang lalaki rin na sa humigit-kumulang ay 80 anyos na rin. Nasa grade school pa lang kami noon sa Tundo at tuwing matatapos ang klase naming magkakaibigan, dala-dala namin ang mga panungkit at sako namin at mag-iikot na kami sa mga kalye na kung saan ay maraming mga iba’t ibang puno ang nakatanim tulad ng atis, mangga, bayabas, kaimito at marami pang iba.

Ngunit ang lolong tinutukoy ko ay si Lolo Cenon na laging nakangiti lalo na sa tuwing makikita kami. Tila masaya siyang may mga bata na lagi siyang pinapasyalan lalo na tuwing panahon ng pagpitas ng mga bunga ng kanyang mga puno.

Maayos ang patakaran niya. Susungkitin namin ang mga bunga ngunit sa pagkakatanda ko ay mga 30% ang bungang mapupunta sa kanya o tila mababa pa nga.

Halos napupunta sa amin ang maraming bunga. Hindi siya nagmamaramot. Ngunit ang mahalaga ay may pagpapaalam bago mamitas ng bunga.

Hindi na nga niya kailangang magmaramot dahil parang naging kasunduan na namin yon sa tuwing panahon ng pagpipitas. Kami lang ang kausap niya.

Ngunit ang isang masaya sa relasyon namin noon ay kahit walang bungang pipitasin ay iniimbita niya kami noon na magmiryenda sa ilalim ng kanyang mga puno na hindi naman talaga kalawakan. May-idad na rin ang kanyang kabiyak at lagi rin itong nakangiti sa amin. May mga anak daw sila ngunit may kanya-kanya nang pamilya ang mga ito.

Ang bilin lang ni Lolo Cenon noon ay huwag din kaming maging maramot paglaki namin at matutong tumulong lagi sa mga nangangailangan sa abot ng aming makakayanan.

Ang laging handa ni Lolo Cenon sa amin noon ay matsakaw o pande- de coco at malamig na gulaman. Marami siyang ikinukuwento na nakatutuwa at nakatutulong sa aming kaalaman.

Siyempre may ending ang kuwentong ito. Namayapa na si Lolo Cenon at ipinagbilin sa kabiyak na kami pa rin ang mamimitas sa mga puno nila at nag-iwan siya ng isang sulat na kami raw magkakaibigan ang siyang tanging makapipitas ng mga bunga sa kanyang mga puno.

Nakalulungkot na nakatutuwa. Ngunit ang pagpanaw ng isang mabuting tao ay laging malungkot, Nawalan kami ng isang mabait na “lolo” at kaibigan.

Kaya magkahalong pagtataka at inis ang pakiramdam ko nang malaman kong may isang lolo na ipinakulong dahil sa mga bunga ng punong mangga!

Grabe naman ‘yan!

AUTHOR PROFILE