Default Thumbnail

Ang mali ay mali!

June 14, 2021 Marlon Purification 458 views

Marlon PurificationBIBIHIRA na sa ngayon ang umaamin ng pagkakamali lalo na kung ang isang indibiduwal ay may katungkulang hinahawakan o ika ‘nga ay may tikas na pinangangalagaan.

Ngunit hindi ganito si PNP Chief, General Guillermo Eleazar na muling ipinakita na hindi niya kukunsintihin ang anumang pagkakamali mula sa kanilang organisasyon.

May kinalaman ito sa pagsasampa ng kaso ng PNP laban sa mga isinasangkot sa vaccine/vaccine slot for sale.

Sa pahayag ni Guillor, inamin niyang hindi dapat maisama sa kaso si Nina Ellaine Dizon-Cabrera, batay na rin sa latag ng mga ebidensya.

Dahil dito, agad inatasan ni Eleazar ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group na i-withdraw ang kasong inihain laban sa kanya sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office.

Mananatili naman ang kaso laban kina Cyle Cedric Bonifacio at Melvin Gutierrez.

“Ang mali ay mali at hindi dapat pinaninindigan. Sa halip, ito ay itinatama upang hindi na maulit, at upang kapulutan din ng aral para maging maayos ang pagsisilbi sa taumbayan,” pahayag ni Eleazar.

“Kagaya ng ipinangako ko (kagabi), mananagot ang dapat managot kung may pagkukulang o pagkakamali na nangyari dito,” dagdag pa ng heneral.

Ipinag-utos na rin ni Eleazar ang pagsibak sa pwesto kay Police LtCol Arnold Moleta bilang hepe ng CIDG Eastern Metro Manila District Field Unit dahil sa kanyang ‘lapse in judgment’ at sa command responsibility.

“Let this serve as a reminder to all our personnel that if you are assigned to do a task, always make sure that you do your best, and do it right,” mariin pang pahayag ng PNP chief.

Kasabay nito, tiniyak ni Guillor na hindi mawawala ang kanilang determinasyon na habulin ang mga taong nagsasamantala sa pangangailangan ng iba partikular sa vaccination program ng gobyerno.

“Patuloy kaming nakatutok sa mga kasong katulad na ito at nanawagan kami ng patuloy din na tulong upang hindi mabigyan ng oportunidad ang mga taong nagsasamantala lalo na ngayong panahon ng pandemya,” diin pa ng heneral.

Sa ipinapakitang magandang kaugalian ng hepe ng Pambansang Pulisya, umaasa tayong mahahawa ang lahat ng miyembro ng PNP at tuluyang patunayan sa publiko na kaya nilang ituwid ang buong organisasayon.

Malaking bagay din ito para maitama na ang lahat ng uri ng imbestigasyon sa kapulisan.

Noon pa ay nakaririnig na tayo ng mga taong ipinakulong kahit walang kasalanan. Nag-uumpisa ito hindi lamang sa maling sistema ng hustisya, kundi sa maling proseso na rin ng imbestigasyon ng kapulisan.

Mga inosenteng tao na nagdurusa sa kasalanang hindi naman nila ginawa.

Ang ginawa ni Guillor ay tunay na nakahahanga dahil umpisa ito upang maiwasan o mawala na nang tuluyan ang pagsasampa ng kaso at pagpapakulong sa mga taong wala namang kasalanan.