Ang lakan ng PNPA alumni association

July 26, 2021 Marlon Purification 300 views

Marlon PurificationPATULOY ang pagbuhos ng pagkilala sa mga ginagawang pagtulong ni Filipino Indian Commerce and Welfare Society Inc. President Majinder ‘James’ Kumar.

Nitong nakaraang araw lamang ay kinilala mismo si Kumar ng isa pang matikas at matulunging personalidad na si PNP chief, Police General Guillermo Eleazar.

Ito ay sa pamamagitan ng paggawad sa kanya ng prestihiyosong ‘Adopted Lakan Award’ mula sa Philippine National Police Academy Alumni Association Inc. (PNPAAAI).

Ang Lakan Award ang pinakamataas na award na iginagawad sa bawat deserving PNPA Alumni kada taon. Sampung miyembro lamang nila ang binibigyan ng naturang award tuwing nagdiriwang ang PNPA ng Alumni Homecoming.

Kasama sa batayan sa pagpili ng mga awardee ay ang mga nagawang aksyon hindi lamang para sa PNPA kundi sa bansa sa kabuuan.

Tulad ng mga naiulat na natin sa inyo sa mga nakalipas nating column, sapul nang magsimula ang COVID-19 pandemic ay walang patid ang pagbibigay ng tulong ng grupo ni Kumar sa mga higit na nangangailangan upang makaagapay sa pagbangon mula sa krisis na ito.

Hindi nauubusan ang oras, lakas ng katawan at mga bagay na dapat ipamahagi si Kumar upang makatulong sa ating bayan na binabayo rin ng iba’t ibang kalamidad.

Sa pagtanggap ng award na ito, matinding pasasalamat ang isinagot ni Kumar sa PNPA partikular sa kanyang batchmates.

“I thank the Philippine National Police Academy Alumni Association Inc. for finding merit in my efforts and appreciating my contributions to the organization,” pahayag ng pasasalamat ni Kumar.

“Much thanks and gratitude also to my batchmates, PNPA Sandigan Class ’94, for genuinely accepting me as their own since I became their adoptive member,” dagdag pa ni Kumar.

Pinakahuling aktibidad naman ng PNP na sinuportahan ni Kumar ang pagdiriwang ng 29th Chaplain Service Anniversary sa Kampo Crame, kasama si Eleazar at PNP Chaplain Service stakeholders.

Ang pagdiriwang ay may temang ‘Strengthening the Faith and Providing Psycho-spiritual Needs of PNP Personnel Amidst Pandemic’.

Tunay naman na dapat bigyang parangal ang mga katulad ni Kumar at umaasa tayo na mas marami pang tulad niya ang magseserbisyo sa ating bayan.

Umaasa rin tayo na hindi dadapuan ng pagod si Kumar upang mas marami pang mga kababayang nangangailangan natin ang kanyang maayudahan.