Magi

Ang karapatan magtrabaho ay isang ari-arian

August 3, 2024 Magi Gunigundo 90 views

ANG likas na karapatan ng tao na mabuhay ang sandigan ng karapatan na makapagtrabaho na tinuturing din na ari-arian na pinangangalagaan ng ating Konstitusyon ( Seksyon 1, Artikulo III).

Dahil dito, maliwanag sa Labor Code na hindi maaaring alisin o sisantihin sa trabaho ang empleyado ng walang matibay na dahilan at sumunod sa kaparaanan ng batas sa pag-aalis sa kawani.

Ang trabaho, propesyon, hanapbuhay o kasanayan ng isangt ao ay isang ari-arian at ang maling pakikialam dito ay isang maiaasuntong pagkakamali (Callanta v Carnation Phils). “Ang bawat tao ay may likas na karapatan sa bunga ng kanyang sariling industriya. Ang karapatan ng isang tao sa kanyangpagpapagal ay itinuturing na ari-arian sa loob ng kahulugan ng mga garantiya ng Konstitusyon. Iyan ang kanyang kabuhayan at hindi maaaring alisin ito sa kanya nang hindi naaayon sakaparaanan ng batas” ( Philippine Movie Pictures Workers Association v Premiere Productions , 1953).

Dahil dito, napakahalaga na sundin ng may patrabaho (employer) ang kaparaanan ng pag-aalis ng empleyado sa Art 278 ng Labor Code at Rule XIV, Book V ng Implementing Rules and Regulations ng Labor Code. Una, magpadala ng paunawa (notice) sa kawani upang ipabatid sa kanya ang intensiyon ng kumpanya na tanggalin siya sa trabaho dahil sa partikular o detalyado na ginawa o kakulangan ng ginawa na labag sa patakaran ng kumpanya o ng Labor Code at bigyan ang kawani ng pagkakataon na magpaliwanag tungkol dito. Hindi maaari ang mga paratang na malabo, maligoy, at suspetsa lamang. Ikalawa, magdaos ng pagdinig upang ang kawani ay makapagpaliwanag ng kanyang panig at makapag-sumite ng kanyang ebidensiya na pinapabulaanan ang paratangsa kanya . Kung hindi ito susundin ng kumpanya, “illegal dismissal” ang asuntong haharapin nito sa National Labor Relations Commission ( NLRC).

Si Eduardo Calangi, isang kawani ng Century Textile Mills, ay pinaratangan na utak ng tangkang sadyang pagpatay sa pamamagitan ng paglason ng dalawang superbisor nito sa trabaho at sinampahan ng kasong kriminal sa piskalya. Kinunsulta ng kumpanya ang unyon na kasapi si Calangi at napagkasunduan na tanggalin sa trabaho si Calangi. Nagreklamo si Calangi sa NLRC ng illegal dismissal. Binalewala ang reklamo ni Calangi ng Labor Arbiter sapagkat maliwanag ang ebidensiya ng pagiging utak ni Calangi sa krimen ng tankang sadyang pagpatay . Binaligtad ng NLRC ang desisyon ng Labor Arbiter sapagkat walang pinadalang notice at naganap na hearing na mariing inuutos ng Art. 278 ng Labor Code at ng IRR nito. Kinatigan ng Korte Suprema ang desisyonng NLRC. Ang karapatan ng kawani sa paunawa at pagdinig ay personal sa kanya at hindi ito maaaring kusang talikdan ng unyon para sa kanya (Century Textile Mills Inc v NLRC, May 25,1988).

Tulad ng relasyon ng mag-asawa, ang relasyon ng empleyado at nagpapapatrabaho ay mahigpit na pinapangalagaan ng batas upang manatiling matiwasay at matatag ang relasyon. Sa pagpasok sa kasunduan ng pagtratrabaho, hinahayag ng manggagawa na idedeboto ang sarili na gagawin ang gawaing tinutukoy ng kontrata at ipagkakaloob ng nagpapatrabaho ang napagkasunduang suweldoat mga benepisyo. Kahit wala sa kontrata, ipinahihiwatig din ng kasunduan na igagalang ng kawani at nagpapatrabaho ang bawat isa. Kasama dito ang pangangalaga sa mga makinarya, kagamitan, at materyales na kailangan upang makamit ang layunin ng kontrata ng paggawa o pagbibigay ng serbisyo naisasagawa ng empleyado. Ang empleyado at nagpapatrabaho ay inaasahang kikilos sa paraang nagsisiguro ng mahusay at maayos na relasyon upang parehong maging masaya satagumpay ng negosyo. Ang pagsabotahe sa gamit ng kumpanyaay dahilan para wakasan ang kontrata sa pagtatrabaho ( National Labor Union v. Court of Industrial Relations and Manila Gas Corp).

Mahirap mawalan ng hanapbuhay at mahirap din magpalitng kawani na kailangan ulit sanayin sa trabaho na may epekto sa kalidad ng produkto o serbisyo na nilalako sa publiko. Sa mga panahong ito, mapanatili nawa ng kawani at negosyante ang tiwala sa isa’t isa upang makamit nila ng sabay ang maginhawang buhay na bunga ng pagsisikap.

AUTHOR PROFILE