Ang ginawang hakbang ng nasa likod ng ‘Topakk’ para lalong lumawak ang audience
ANG pelikulang ‘Topakk’ na kalahok sa darating na Metro Manila Film festival 2024 ang pinakamatinding action-drama movie na mapapanood ng Filipino audience sa darating na Metro Manila Film Festival.
Tampok dito sina Arjo Atayde at Julia Montes, kasama ang iba pang mahuhusay na artista tulad nina Sid Lucero, Enchong Dee, Paolo Paraiso, Cholo Barretto, Jeffrey Tam, Maureen Mauricio, Anne Feo at marami pang iba sa direksyon ng award-winning director na si Richard Somes.
Ayon sa producer ng pelikula na si Sylvia Sanchez, nagdesisyon silang gumawa ng R-16 at R-18 version para sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB). At pareho itong na-approve.
Magandang hakbang ito upang mas lumawak ang viewers ng naturang pelikula.
“Dalawa ang ratings ng Topakk. Isang R-16 at isang R-18. R-16 para makapasok kami sa SM (cinemas). Tapos R-18 doon sa mga hindi SM (cinemas),” paliwanag ni Sylvia sa naganap na grand mediacon ng “Topakk” noong Huwebes ng gabi na ginanap sa ginamit nilang set sa pelikula.
Gayunpaman, parehong buung-buo ang napakagandang kuwento ng pelikula sa dalawang bersyon, at sa mahihilig sa hardcore action, may tsansang panoorin nila ang dalawang versions nito.
Bago ang 50th MMFF, pinuri na nang husto ang ‘Topakk’ sa mga international film festivals sa ibang bansa tulad sa Cannes, Italy, Locarno, Switzerland at Austin, Texas.
Kaya naman angkop na angkop ang blurb para sa naturang pelikula na ‘Topakk is coming home.’
Ang “Topakk” ay tungkol sa buhay ng isang dating special forces agent (Arjo) na nagkaroon ng post-traumatic stress disorder (PTSD) at mai-involve sa karakter ni Julia na hinahanting ng corrupt police death squad na nasa likod naman ng isang drug cartel.
“I don’t wanna spoil pero nagkasugat-sugat. May mga hiwa-hiwa. May mga pasa. Thank God, hindi nabalian ng buto,” ang pahayag ni Arjo.
Napako rin ang tuhod ni Julia sa isang eksena, pero sabi nga, the show must go on.
“We have a very important message to send sa audience. Very interesting ‘yung story kaya ang hirap mag-no kay direk Richard.
“It’s a very well thought of concept (by direk Richard). I’m just lucky to be on board, to be doing a project with him (Direk Richard),” sabi pa ni Arjo.
Naging matindi ang paghahanda ni Arjo para sa naturang role. “I watched videos sa YouTube about people suffering from PTSD. I studied my role. Nung binigay sa akin ang role, I told direk na mag-send ng videos sa akin and I watched them bago matulog.
“‘Yun ang assignment ko. At least once a day, either day or night, make sure to watch these videos,” sabi pa ng aktor na isa ring kongresista.