Default Thumbnail

Ang estate tax at ang amilyar

April 7, 2022 Marlon Purification 1505 views

Marlon PurificationAYAW ko sanang sawsawan ang isyu ng estate tax laban kay Bongbong Marcos dahil hindi naman tayo eksperto pagdating sa pagbubuwis.

Pero dahil kabi-kabila nating napapanood sa tv, napapakinggan sa radyo, nababasa sa diyaryo at social media, pahintulutan n’yo akong ibahagi ang katiting na pagkakaintindi natin dito.

Sa isang pahayag na lumabas sa pahayagang Manila Bulletin, diretsahang sinabi ng mga regional directors at district directors ng Bureau of Internal Revenue na hindi maaaring pilitin ng pamahalaan o maging ng korte ang mga tagapagmana ni dating Pangulong Marcos na bayaran ang P203-B na sinasabi nina Atty. Antonio Carpio et al.

Anila, ang estate tax ay sinisingil o binubuwisan mula sa real at personal properties ng namayapang may-ari ng estado at hindi mula sa pag-aari ng kanyang mga kamag-anak.

Dagdag pa nila, ang puwedeng gawin ng pamahalaan base sa Tax Code ay ilitin o kumpiskahin ang mga pag-aari ng yumao at pagkatapos ay ibenta ito sa isang public auction.

Ang layunin ng public auction ay upang ma-recover kung ano man ang halagang dapat bayaran ng estate sa BIR.

Kung baga, sa isang simpleng halimbawa, ang utang sa estate tax ay parang utang din ng mga may-ari ng bahay at lupa patungkol naman sa taunang obligasyon nito sa pagbabayad ng amilyar o real property tax.

Sakaling hindi makapagbayad ang sinumang household o property owner, hindi ito itinuturing na pagnanakaw dahil maraming kadahilanan kaya hindi nababayaran ang amilyar at ito ay personal na ‘choice’ ng may-ari ng ari-arian.

Ilan sa mga dahilang ito ay maaring walang pera o maaaring nakaligtaang bayaran. Itong kay BBM ay hindi niya mabayaran ang estate tax dahil una, hindi pa ito nakapangalan sa kanya kundi nakapangalan ito sa kanyang ama.

Ikalawa, ilan sa mga ari-ariang sinisingil sa kanya ng estate tax ay mga ari-ariang sinasabing ill gotten wealth ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr.

So paano mo babayaran ang estate tax ng isang property na hindi pa naman talaga sayo at batbat pa ng kaso mula mismo sa Presidential Commission on Good Government (PCGG)?

Balikan ko naman ang sitwasyon ng amilyar sa isang maliit na ari-arian.

Depende sa isang local government unit, maaaring ilitin o i-forfeit ng pamahalaan ang ari-ariang hindi nababayaran ng amilyar sa ilang makakasunod na taon. Maaaring hindi ito nabayaran ng limang magkakasunod na taon o mas matagal pa.

Ngayon kapag kinumpiska ito ng gobyerno, puwede na itong ibenta ng LGU sa pamamagitan ng pag-auction, ngunit bibigyan muna ng pagkakataon ang mga property owner na marekober ito sa pamamagitan ng pagbabayad ng kanilang utang.

Pero, take note mga ate at kuya, ang utang sa amilyar o kaya sa estate tax ay hindi dahilan para makulong ang isang tao. Hindi ito isang krimen na dapat silang kasuhan ng pangungurakot tulad ng pinapalabas ngayon ng kampon ng dilawan.

Ang point ko rito, hindi dapat kondinahin o usigin ng taumbayan (o kaya ng kanyang mga kapitbahay) ang isang ang tao na pumalya sa pagbabayad ng kanyang amilyar o estate tax na katulad ng mga Marcos.

Tulad ng sinabi ko, kung hindi ka bayad sa estate tax o amilyar, ang dapat gawin lamang ng gobyerno ay kumpisahin ito at ibenta ang kumpiskadong ari-arian sa ibang taong nais bumili ng naturang property ‘thru auction o bidding!’

Sa nangyari sa ibinibintang na estate tax kay BBM, maliwanag na isa lang itong gimmick at political propaganda na ginagamit ng kampon ng dilawan.

Sa sobrang lakas ni Marcos ngayon, hindi tayo nagtataka kung bakit may mga ganitong isyu na ipinupukol kay BBM.

At sana ang simpleng paliwanag na ganito ay maintindihan ng ating mga kababayan kung ano ba talaga ang estate tax at hindi krimen ni BBM kung hindi man siya makapagbayad nito.