Default Thumbnail

Ang Diborsyo ay emergency exit

September 4, 2021 Magi Gunigundo 702 views

Magi GunigundoWALANG katuturan na pigilan ang isang tao na lisanin ang isang miserableng buhay na ang sanhi ay ang asawang walang ibinigay na dahilan upang manatili siya sa sakramento ng kasal.

Bilang sensei ng mga batas sa Persons and Family Relations, magandang balita ang pag-usad ng panukalang diborsyo na isinusulong ni Rep Edcel Lagman. Aprubado na sa komite at ililipat na ito sa plenaryo ng 18th Congress. Nakakalamang na ma- aprubahan din ito sa ikatlong pagbasa bago magtapos ang 2021. Hindi ito nakapagtataka sapagkat ang panukalang diborsyo ay na- aprubahan na sa 17th Congress noon Marso 19, 2018 sa botong 134 pabor, 57 tutol, at 2 abstensiyon.

Sinabi ni Shakespeare tungkol sa katapatan ng isang esposa:

“Itatali ko ang manggas ko sa iyo

Ikaw ay isang puno, aking asawa, at ako ang baging. ”

“Ngunit hayaan mong tanungin kita, “kung ang asawang lalaki ay isang bulok na puno, paano makakakapit ang baging sa kanya?” Ang tanong na ito ay galing kay Dean Jorge Bocobo , Chairman ng Code Commission na nagbalangkas ng 1950 Civil Code, upang ipagtanggol ang posisyon ng Code Commission na pabor sa panukalang batas sa diborsyo. Subalit dahil sa matinding pagtutol, marahil dahil sa mga asawa nilang pala-simba, hindi ito pinayagan ng mga kongresista , at ang itinira na lamang ay “legal separation”.

Ayon kay Dr. Pacifico Agabin, “Ang pilosopiya ng sinaunang batas ng mga Romano ay nakasandal sa relihiyon. At kapag ang batas ay nakabatay sa mga ritwal sa relihiyon, hindi umuunlad ang batas.” Abala ang lahat sa pagpapanatili ng “PAX DEORUM” o kapayapaan sa pagitan ng tao at mga diyos. Kailangan parusahan ang taong lumabag sa utos ng mga diyos para hindi magpadala ang mga ito ng peste o kalamidad na pipinsala sa mga may sala at sa mga walang kasalanan. Pinagyeyelo ang kaisipan ng tao na natatakot lumabag sa mga utos ng diyos na eksklusibong hinahatid at pinangtatakot ng mga pari at sugo daw nila.

Ayon sa Saligang Batas ng 1987, ang pag-aasawa ay isang hindi malalabag na institusyong panlipunan na pundasyon ng pamilya na dapat protektahan ng Estado. Gayunpaman, wala ditong lantaran na pagbabawal sa diborsyo. Mababasa natin sa talakayan ng Komisyon ng Konstitusyon ng 1986 ang sagot ni Komisyonado Jose Luis Martin C. Gascon sa isang katanungan ni Padre Joaquin G. Bernas , SJ tungkol sa puntong ito:

“FR. BERNAS. Isang katanungan lamang, at hindi ako sigurado kung ito ay nasagot nang may katiyakan. Partikular kong tinutukoy ang panukala ni Commissioner Gascon. Ito ay mauunawaan bilang isang pagbabawal ng isang pangkalahatang batas sa diborsyo? Ang kanya bang hangarin ay gawin itong isang pagbabawal upang hindi makapasa ang isang batas sa diborsyo?”

“G. GASCON: Presiding Officer, hindi iyon ang pangunahin kong hangarin. Pangunahin kong hangarin ay itaguyod ang institusyong panlipunan ng pag-aasawa, ngunit hindi kinakailangang pigilan ang paghihiwalay. Ngunit ngayong nabanggit na ang isyu ng diborsyo, ang aking personal na opinyon ay huwag hikayatin ang paghihiwalay. ”

“FR. BERNAS. Hindi, ang aking tanong ay tapatan. Nagdadala ba ito ng kahulugan ng pagbabawal ng batas sa diborsyo?”

“G. GASCON. Wala po. FR. BERNAS. Salamat.”

Hindi na bago sa ating bansa ang diborsyo. May diborsyo na noon pang Marso 11, 1917 sa Batas No. 2710 . Pangangalunya o pakikiapid lang ang tanging batayan para putulin ng lubusan ang relasyon ng mag-asawa. Sa panahon ng Hapon, inilabas noon Marso 25, 1943 ang EO No. 141 (“Bagong Batas ng Diborsyo”), na kinansela ang Batas Blg. 2710 at nagbigay ng labing-isang batayan para sa ganap na diborsyo, tulad ng sinadya o di-makatarungang desersyon na hindi bababa sa isang taon bago ang pagsampa ng aksyon, paninirang puri sa pamamagitan ng gawa o labis na insulto ng isang asawa laban sa isa pa, at ang pagkabaliw ng asawa. Pagkaraan ng digmaan, pina-iral na muli ang Batas Blg. 2710. At noon, Agosto 30, 1950 nagkabisa na ang RA 386 o Civil Code na inamyendahan ng Family Code noon 1988. Walang diborsyo sa dalawang batas na ito.

Ang ano mang relihiyon o sekta ay hindi maaaring magpataw ng mga paniniwala nila sa Estado , kahit na taos-puso itong naniniwala na mabuti ito. Ang kasal ay mayroon mga sibil at ligal na kahihinatnan na pinamamahalaan ng batas. Ang Estado ay may lehitimong karapatan at interes na pangasiwaan ang panlabas na aspeto ng kasal.

Bukod dito, sa pagprotekta at pagpapalakas ng pamilyang Pilipino bilang pangunahing institusyong panlipunan, inuutos din ng Konstitusyon na pahalagahan ang dignidad ng bawat tao at karapatang pantao, at tiyakin ang pangunahing pagkakapantay-pantay sa harap ng batas ng kababaihan at kalalakihan .

Huwag natin isantabi ang katotohanan na hindi lahat ng mga mag-asawa ay gawa sa langit at nagtitiis sa buhay nilang mala-impiyerno. May mga taong hindi makakamit ang buong potensyal niya bilang indibiduwal sa konteksto ng isang kasal. Kaipokrituhan ang posisyon sa pagtatanggol sa institusyon ng kasal at sabayang pagsasantabi sa katotohanan na mayroon diyan mga kasal na umaalingasaw ang kabulukan.

Ang diborsyo ay hindi para kitilin ang relasyon ng masayang mag-asawa. Ang diborsyo ay parang emergency exit ng isang gusaling nasusunog. Ito ay nakalaan para makaligtas sa impiyerno ang mga taong nakakulong sa isang relasyon na matagal ng patay.

AUTHOR PROFILE