Default Thumbnail

Ang anay na sisira sa matibay na pundasyon

March 11, 2022 Edd Reyes 371 views

Edd ReyesWALANG duda na nagampanan ng maayos ni P/MGen. Vicente Danao, Jr. ang pamumuno sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na lagpas na inaasahan sa kanya ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) bago malipat sa mas mataas na posisyon.

Kabilang na siyempre sa maipagmamalaki ni Gen. Danao ang tagumpay niya sa paglaban sa ilegal na droga, pagdakip sa mga wanted na kriminal, paglutas sa nangyaring krimen, pagkumpiska sa mga loose firearms at maging ang kampanya laban sa iba’t-ibang uri ng ilegal na sugal.

Bilang patunay na tagumpay si Gen. Danao sa kampanya laban sa ilegal na sugal, sa panahon ng kanyang pamumuno ay umabot sa 6,462 ang naging operasyon ng pulisya sa Metro Manila lamang na nagresulta sa pagkakadakip sa 20,254 katao at pagbawi sa kabuuang P4,921,725 bet money.

Bukod dito, nagampanan din niya ng maayos ang pagtulong sa pambansang pamahalaan sa paglaban sa paglaganap ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagbibigay ng direktiba para sa mahigpit na pagbabantay sa mga lumalabag sa protocol na inilatag ng IATF.

Kung baga sa isang Arkitekto, nakapagtayo na si Gen. Danao ng isang maayos at magandang tirahan na may matibay na pundasyon para sa kanyang mga nasasakupan bago tuluyang lumisan.

Kaya kailangan na lang siguro na ipagpapatuloy ng pumalit sa kanyang si P/MGen. Felipe Natividad ang nailatag niyang magagandang programa at proyekto ngayong siya na ang pinuno ng NCRPO at kung mayroon pang maia-ambag ang butihing opisyal upang lalu pang maging matiwasay at tahimik ang pamumuhay ng maraming mamamayan, mas maganda dahil tiyak na mayroon din siyang mga bagong ideya na baka nakaligtaan ng kanyang pinalitan.

Kung baga sa isang nabuo ng tirahan, puwede pang pagandahin ito ni Gen. Natividad sa pamamagitan ng pagpipintura at pagdaragdag ng iba pang disenyo at proteksiyon para mapigilan ang posibleng pagsalakay ng mga “anay” na sisira sa bahay.

At dahil anay din lang ang napag-uusapan, isa siguro sa dapat bantayan ni Gen. Natividad ang operasyon ng isang alyas “Bebet” na umano’y gumagamit daw sa pangalan ng matataas na opisyal ng PNP para protektahan ang mga ilegal na sugat sa buong Metro Manila at karatig lalawigan

Sa kabila kasi ng maigting na kampanya ng kapulisan sa ilegal na sugal, nagtuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng mga operator ng ilegal na jueteng, lotteng, EZ2, pati na rin ang ilegal na bookies ng karera at e-sabong at iba pang uri ng game of chance.

Baka kung hindi kaagad mapuputol ang sungay ng alyas Bebet na nagpapakilalang malakas daw sa pamunuan ng PNP, aba’y baka magsilbi siyang tinik sa lalamunan ng bagong NCRPO chief at anay na sisira sa matibay na pundasyong naitayo ni Gen. Danao.

PAMAMAYAGPAG NG ILEGAL NUMBERS GAME

Napaguusapan na rin lang ang illegal numbers game, mukhang pati sina Region IV-A Director P/BGen. Antonio Yarra at Laguna Provincial Director P/Col. Rogarth Campo ay napapaikutan ng mga operator ng mini carnival dahil sa halip na mga amusement rides at mga thrill games, ilegal numbers game ang pinagkakaguluhan sa mga peryahan sa maraming lugar sa lalawigan ng Laguna.

Mismong mga deboto ng San Vicente Church sa Barangay Mamatid sa Cabuyao, Laguna ang nagreklamo sa itinayong pergalan o peryahang may sugalan malapit sa simbahan ng isa raw Baby Panganiban na tumatayong operator ng illegal numbers game na kinahuhumalingan ng marami, maging ng mga kabataan.

Ang tanong nila, bakit pinayagang maitayo ang ganitong uri ng ilegal na sugal na ginagamit bilang front ang mini carnival na malapit sa simbahan?

At dahil pinayagan na rin lang ang ilegal na sugal malapit sa simbahan, nagkanya-kanya na rin ng paglalagay ng ilegal na sugal sa mga peryahan ang iba pang mga operators sa iba pang lugar sa Laguna tulad sa Sampaguita St., Brgy. Uno na tinayuan din ni Baby P, Cadre Road at Palo Alto Road sa Calamba na ang operator ay sina alyas Fe, Rommel at Judith, Brgy. Marinig at Brgy. Bigaa sa Cabuyao na ang operator ay sina alyas Arnel, Jonel at Ka Mely, sa may Balibago at Rizal Blvd, sa Sta Rosa na tinayuan din nina Baby P. at Judith habang alyas Este naman ang naglagay ng puwesto sa La Paz Organic Farm sa Binan.

Noong si Brig. Gen. Eliseo Cruz pa ang Region IV-A Director, hindi nakaporma sa kanya ang mga operator ng illegal numbers game sa Laguna kahit pa sabihing may basbas na sila sa isang alyas Bebet.

Dapat sigurong kalampagin ni Gen. Yarra ang kanyang provincial director sa Laguna upang masawata na ang pamamayagpag ng ilegal numbers game sa loob ng mga itinayong mini carnival sa iba’t-ibang lungsod at bayan sa Laguna, lalu na ang itinayo malapit sa San Vicente Church.

AUTHOR PROFILE