Andrew, sumabak sa BL movie
MATAPOS ang limang taon ng pagganap sa bit roles gaya ng bestfriend o sidekick ng bida sa mga proyektong gaya ng Batang Foz, Super Ma’am, The Third Party at Henerasyong Sumuko sa Love, sa wakas ay bida na si Andrew Gan, alaga ng talent manager na si Leo Dominguez, sa BL series na Limited Edition.
Sa solo online interview kahapon, ikinuwento ni Andrew na inimbita siyang mag-audition para sa pelikula na maiden offering ng BragaisTV ng Pinoy shoe designer na si Jojo Bragais.
Masuwerte namang napili siya para gumanap sa lead role ni Jethro, isang balikbayan mula sa New York.
Ayon kay Andrew, matagal na niyang bet gumawa ng BL. May mga offer na siyang tinanggihan dahil karamihan daw sa mga iyon ay pulos pagpapakita lamang ng katawan.
“Gusto ko naman ’yung mas malaman ang story like Game Boys or Gaya sa Pelikula,” katwiran niya.
Hindi naman daw sa may qualms siya sa paggawa ng mga ganitong klase ng proyekto.
Paliwanag niya, “Kaya ko naman, but depende siguro sa material and the director. Kasi kung sina Coco Martin and Joem Bascon nga, nagawa nila ’yun, sino naman ako, ’di ba? Willing ako basta maganda talaga ang project.”
Malaki ang pasasalamat ng binata sa BragaisTV dahil aminado siya na labis ding naapektuhan ng Covid-19 pandemic ang career at negosyong itinayo niya nu’ng kasagsagan ng lockdown last year.
Graduate ng Culinary Arts si Andrew kaya nu’ng nakaraang taon, sumabak din siya sa pag-o-online selling ng pack meals.
Meron din siyang inumpisang spa na, siyempre, nasagasaan din ng mga ipinatutupad na guideline ng IATF.
Ngayon pa lang babawi sa investments niya ang panganay sa tatlong magkakapatid dahil na rin sa unti-unting pagluwag ng alert levels at quarantine restrictions sa bansa.
Dagdag pa nga rito ang pagiging aktibo niyang muli sa showbiz via Limited Edition kaya naman talagang grateful si Andrew sa tsansang makabangon muli.
Anyway, kung titingnan ang baguhang aktor, parang hindi naging madrama ang buhay niya nu’ng siya’y lumalaki.
Pero sa totoo lang, pang-MMK ang istorya ng kabataan niya dahil sa paghihiwalay ng mga magulang nu’ng siya’y 13 years old.
Itinaguyod ng kanyang tita ang pag-aaral niya at ngayon nga ay maayos na ang relasyon niya sa kanilang ama.
Anyway, kasama ni Andrew sa Limited Edition sina Yayo Aguila, Ruby Ruiz at Iya Mina. Sa ilalim ng direksyon ni Jill Singson Urdaneta, mapapanood ito sa BragaisTV simula ngayong Sabado, Oct. 2.