Crime

Anak pinagtataga ng tatay

April 28, 2023 Zaida I. Delos Reyes 350 views

Dahil naunahan sa paboritong kanta

PATAY ang isang 48-anyos na lalaki matapos pagtatagain ng sariling ama dahil lamang sa agawan ng microphone at naunahan sa paboritong kanta, nitong Huwebes ng gabi sa Mulanay, Quezon.

Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang biktimang si Reynante Tolda dahil sa tinamong saksak sa katawan.

Tumakas naman ang suspek na kaniyang ama na nakilalang si Wilfredo Tolda.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap sa tahanan ng mag-ama sa Sitio Pantay, Barangay Ibabang Yuni sa Mulanay.

Nag-iinuman umano ang mag-ama nang biglang kunin ng biktima ang micropono at bumirit ng kanta.

Dito ay nagalit ang lasing na suspek dahil inawit umano ng anak ang kantang kaniyang pinili at nais awitin.

Sa labis na inis ay tumayo ang suspek at umalis. Pagbalik nito ay tinaga na ang umaawit na anak.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman sa pagamutan ang biktima.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.