Default Thumbnail

Anak ng Indonesian bombers nasagip sa Basilan

June 6, 2023 Zaida I. Delos Reyes 148 views

NASAGIP ng tropa ng militar ang anak ng mag-asawang Indonesian bombers na nasa likod ng pagpapasabog sa Jolo Cathedral sa isinagawang focused military operation nitong Martes ng umaga sa Sumisip, Basilan.

Kiniulala ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command (Westmincom) Public Information Office (PIO) chief Major Andrew Linao ang nasagip na 15- anyos na itinago sa alyas “Addih,” anak diumano ng “suicide bomber” na si Abbang Rullie.

Batay sa ulat ng Westmincom, nagsagawa ng operayon ang mga tauhan ng 5th Scout Ranger Battalion laban sa Sulu-based Daulah Islamiyah-Abu Sayyaf Group (DI-ASG) sub leader Mudzrimar Sawadjaan alias “Mundi” at Basilan-based ASG sub-leader Pasil Bayali alyas “Kera” sa Sitio Lobloban, Barangay Guiong, Basilan.

Sa gitna ng operasyon, nasagip ng mga sundalo ang 15-anyos na Indonesian national.

Napag-alaman na ang bata ay dinala ni Mundi sa kanyang pagtakas mula Sulu upang maiwasan ang pagtugis ng 1103rd Infantry Brigade.

Sinabi ni Joint Task Force Basilan acting commander Colonel Frederick Sales na sa pagtakas ni Mundi ay inabandona niya ang batang Indonesian na agad namang nasagip ng militar.

Dinala ang bata sa hospital para sa kaukulang pagsusuri.

Matatandaan na ang mga magulang ng bata na sina Rullie Rian Zeke, alyas “Abbang Rullie” at Ulfah Handayani Saleh ang sinasabing nasa likod ng Jolo Cathedral bombing noong Enero 2019 na ikinasawi ng 23 katao at ikinasugat ng mahigit 100 iba pa.

Agad namang pinuri ni Westmincom chief Lt. Gen. Roy Galido ang tropa ng Joint Task Force Basilan sa matagumpay na pagkakasagip sa batang Indonesian.

“He is still young, and we are hopeful that with proper guidance and counseling, he will be able to walk back on the right path and build a better future,” pahayag ni Galido.