Ana

Ana, handang harapin si Kit sa korte … mensahe niya sa ex-BF: Fix yourself

March 28, 2022 Ian F. Fariñas 200 views

Ana1ILANG beses nag-breakdown ang baguhang sexy star na si Ana Jalandoni nang humarap sa media kahapon para sagutin ang ilang mga katanungan tungkol sa naganap na bugbugan sa pagitan niya at ng ex-BF na si Kit Thompson sa isang hotel sa Tagaytay kamakailan.

Kasamang humarap ni Ana sa press ang kanyang battery of lawyers, sa pangunguna ni Atty. Faye Singson, amang si Lawrence Jalandoni at ateng si Marie Jalandoni.

Inamin ni Ana na selos nga sa ex niya ang pinagmulan ng galit ni Kit nu’ng gabing iyon. Aware raw siya sa anger management problem ni BF of four months dahil wala naman itong itinago sa kanya, kasama na ang naging kaso nito dati.

Pero umasa raw si Ana na magbabago si Kit. Hindi rin niya inasahan na mauuwi sa pananakit ang paghahanap niya ng signal para tawagan ang isang babaing kaibigan sa third floor ng tinuluyan nilang hotel kung saan ay nakaidlip siya sa sobrang kalasingan.

“Wala pong third party,” mariin niyang paglilinaw.

Kwento pa ni Ana, inakala lang ni Kit na iiwan niya ito nang hindi siya makita sa kwarto nila nang magpunta siya sa third floor.

Bago ang pagtatalo, binantaan nga raw siya ni Kit na kapag iniwan niya ito, papatayin siya.

Dahil dito, sinabi ng lawyers ni Ana na nag-iipon sila ng mga ebisdensya at panibagong salaysay ng sexy star para sa posibilidad na sampahan si Kit ng karagdagang kaso na illegal detention at frustrated murder.

Sa ngayon, nakahain na ang kasong Anti-Violence Against Women and Their Children.

Nasa piskal na raw ang desisyon kaugnay ng pagsasampa ng iba pang kaso laban kay Kit.

Ayon kay Ana, wala paramdam ang kampo ni Kit o si Kit mismo mula nang mangyari ang insidente.

Pero kung makakausap niya ang ex-BF, sasabihan niya ito ng, “Fix yourself.”

Aminado ang sexy star na mahal pa rin niya ang aktor hanggang ngayon. Hindi naman daw ganu’n kadaling mawawala ito, pero dapat lang na panagutan ni Kit ang pananakit sa kanya dahil hindi niya ito deserve.

Ang ama naman ni Ana, although handang patawarin si Kit, ilalaban ang kaso ng anak hanggang sa huli.

No comment naman ang ate ng sexy star sa tanong kung mapapatawad niya si Kit.

Sa kahuli-hulihan, matapang at palaban na sinabi ni Ana na handa siyang harapin si Kit sa korte. Pinayuhan din niya ang iba pang mga babae na dumaranas ng pang-aabuso na ipaglaban ang karapatan at huwag matakot.

AUTHOR PROFILE