Amyenda sa “Doble Plaka” Law isinulong
ITINULAK ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang pag-amyenda sa RA 11235 , mas kilala bilang “Motorcycle Crime Prevention Act” o “Doble Plaka” Law para protektahan ang kapakanan ng Filipino motorcycle riders sa pamamagitan ng kanyang Senate Bill no. 159.
Ang RA 11235 na pinagtibay noong Marso 2019 upang pigilan ang paggamit sa mga motorsiklo sa krimen sa pamamagitan ng paglalagay ng dalawang plaka, ay sinuspinde noong Abril 2019 sa gitna ng panawagan ng motorcycle riders.
Sa Senate plenary session, sinabi ni Justice panel chairman Tolentino na ang kanyang panukala ay layong amyendahan ang seksyon sa pagpaparehistro ng mga motorsiklo, gamit ang Radio Frequency Identification (RFID) sa halip na double plate, mas makatwirang mga parusa, bukod sa iba pa.
Ikinalungkot ni Tolentino ang discriminatory aspect ng RA 11235 at ang anxiety-inducing factor ng suspendidong pagpapatupad nito na nagdudulot ng panganib sa mga inosenteng riders.
“Sa pagnanais nating masugpo ang kriminalidad sa bayan, tila nakalimutan nating bigyan ng halaga ng ating mga kababayang riders,” sabi ni Sen. Tol.
Ayon sa senador, dapat gawin ang “careful balancing” para itaguyod ang kapakanan ng mga inosenteng riders dahil sa datos ng Land Transportation Office (LTO) mula Enero hanggang Oktubre 2023, 132 lamang na motorsiklo ang ginamit sa krimen sa mahigit 1.4 milyong motorsiklo sa Pilipinas.
“A careful balancing is needed to address the legitimate concerns of the innocent riders,” idiniin ni Sen. Tol.
“Panahon na para bigyan natin ng kapayapaan ang ating mga kapatid at kababayan na gumagamit ng motorsiklo,” idinagdag pa niya.
Sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senators Joel Villanueva, Ronald “Bato” Dela Rosa, JV Ejercito at Ramon “Bong” Revilla Jr. ay nagpahayag ng kanilang intensyong maging co-authors ng panukalang ito ni Tolentino.