Ambulansiya vs motorsiklo, 2 sugatan

September 28, 2022 Melnie Ragasa-limena 98 views

SUGATAN ang dalawang katao nang masalpok ng ambulansiya ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Novaliches, Quezon City, Miyerkules ng madaling araw.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 2, bandang 3:20 a.m.(September 28) nang maganap ang aksidente sa Quirino Highway sa harapan ng Novaliches District Hospital, sa Brgy. San Bartolome, Quezon City.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Caleb De La Torre Cuaresma, 33, call center agent, driver ng Yamaha Mio, nakatira sa 14 Leon Cleofas St., Brgy. Bagbag, Novaliches, at ang kaniyang backrider na si Adrian Baldos Lladoz, 27, cook,at residente ng 4145 Evangelista Drive, Brgy. Bagbag Quezon City.

Ang driver ng ambulansiyang inireklamo ay nakilalang si Patrick Forsuelo Borromeo, 21, binata, at residente ng No. 14 Leon Cleofas St., Brgy. Bagbag Novaliches Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Romeo V Manzon Jr., ng Traffic Sector 2, sakay ng motorsiklo habang binabaybay ng mga biktima ang kahabaan ng Quirino Highway galing Holycross patungong Mindanao Avenue.

Pagsapit sa harapan ng Novaliches District Center ay nasalpok ang motor ng mga biktima ng Nissan Urvan na ambulansiya na minamaneho ni Borromeo.

Nabatid na wala naman umanong sakay na pasyente o pupuntahang pasyente ang nakabanggang ambulansiya ng barangay, at sadyang mabilis lang umano ang pagmamaneho ng driver nito.

Dahil sa lakas nang pagkakasalpok, tumilapon ang rider at backrider sa kalsada na kapwa nagtamo ng mga pilay at sugat sa katawan, habang wasak naman ang motorsiklo.

Kapwa isinugod sa Novaliches District Hospital ang mga biktima upang lapatan ng lunas habang binitbit naman ng mga awtoridad ang driver ng ambulansiya.

Nahaharap ang ambulance driver sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injury with damage to property.