‘Ambagan ng bayan’
TARGET na ng BIR ang mga social media influencer na buwisan.
Sa tindi ng pangangailangan ng bansa sa pondo, hindi natin masisi ang BIR na maghanap ng puwedeng pagkunan ng pera. Mabigat ang gastos ng gobyerno magmula pa noong Marso 2020 dahil doon nagsimula ang lockdown kaya maraming nagsarang negosyo at marami ang hindi na nakapagtrabaho. Nawalan ng ecomic activity sa maraming lugar sa bansa, lalo na dito sa Metro Manila na lifeline ng republika.
Ang mabigat, nawalan na ng kita ang estado, kailangan pa niyang gumastos ng P10 hanggang P13 bilyong ayuda sa tuwing hihigpitan ang quarantine status.
Makailang ulit nang nagdeklara ng ECQ, MECQ with restriction noong hindi pa uso ang Alert level 1, 2, 3 and 4 kaya said na said na ang pera ng pamahalaan.
Pati mga allotted projects ay kailangang itigil para ang pondo ay magamit sa COVID response.
Kaya nga iyong mga malaki ang kinikita sa socmed, aba’y kailangan na ring sumaklolo sa gobyerno.
Natatandaan natin noong mga early 90s, bumagsak ang ekonomiya ng South Korea. Nang manawagan ang kanilang gobyerno sa tulong ng mga mamamayan, mayorya ng kanilang mga populasyon ang tumugon. May mga nagbigay ng ipon nila sa alkansiya, may mga nagbigay pa ng gintong ngipin para lang makatulong sa pag-ahon ng kanilang bansa. Kita nyo naman, nasaan na ang South Korea ngayon.
Ngayong nasa krisis ang bansa, kailangan nating tumulong lahat. Naghahanap din ang mga may kayang mamamayan ng ala-South Korean inspiration para tumulong sa pamahalaan. By blood and by heart, marami tayong mga kababayan ang handang tumulong sa estado.
Kung mayroon lang ganitong klase ng kampanya, ako personally ay tutulong at mag-aambag kahit paano sa gobyerno. Bagama’t nagbabayad naman ako ng taunang buwis, handa pa rin akong mag-ambag sa abot ng aking makakaya kung may magsisimula lang ng ganitong fund drive.
Iyong tipong “ambagan ng bayan” na ilalagay sa mga plaza na puwedeng hulugan ng ating mga kababayan ng kahit magkano para makaipon ang pamahalaan ng sapat na pera na ipang-aayuda naman sa mga apektado ng pandemic.
Sabi ni Mother Teresa, “if you cannot feed 100 people, at least feed one.” Hindi lamang kami mahilig maglabas sa social media ng mga tinutulungan naming mag-anak subalit puwede naming sabihing nakakaagapay din naman kami sa pamahalaan kahit sa paanong paraan.
Naghihintay tayo ng isang sulo na tatanglaw sa madilim nating sitwasyon na magsasabing magtulungan tayong lahat dahil kailangan ito ng marami sa ating mga kababayang kapos at wala na halos makain.
Hindi rin naman masama sa mga tinatarget ng BIR na magkusang mag-ambag sa pamahalaan mula sa kanilang mga kinikita.
Kung ang bawat may kakayahan ay magbibigay sa estado ayon sa kanyang gustong maiambag, malayo-layo rin ang mararating nito at guguhit pa ng bagong inspirasyon sa ating lahat habang pinaghahandaan ang pagbangon mula sa pandemya.