
Ama sinakal dalagitang anak, timbog
INIREKLAMO ng isang ginang ang kaniyang asawa dahil sinaktan umano siya at ang kaniyang 16-anyos na anak na babae, matapos umano nilang mahuli ito na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon sa report ng Kamuning Police Station, nangyari ang insidente pasado alas-nuwebe ng gabi nitong Setyembre 18 sa tahanan ng mag-anak sa Barangay Pinyahan sa Quezon City.
Napagalaman na naaktuhan umano ng ginang ang kaniyang asawa na gumagamit ng shabu.
Agad niya umanong kinompronta ang asawa at kinuha ang shabu at paraphernalia.
Sa gitna ng komprontasyon ng mag-asawa ay kinuha umano ng kanilang 16-anyos na anak na babae ang shabu at paraphernalia na ikinagalit umano ng suspek.
Agad umanong hinila ng suspek ang kaniyang anak at sinakal.
Nagawa namang makatawag ng tulong ng ginang sa mga opisyales ng Bgy. Pinyahan na nagresulta sa pagaresto sa suspek.
Inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa suspek.