Ama pinatay ang sanggol, nagbigti
WALA ng buhay nang matagpuan ang 11-buwang sanggol na babae sa loob ng kanilang tirahan habang nakabigti naman ang kanyang ama Miyerkules ng tanghali sa Taguig City.
Naisugod pa sa Taguig-Pateros District Hospital si alyas “John Erick”, 22, at anak niyang si Baby Coycoy subalit hindi na umabot ng buhay ang bata habang namatay din ang lalaki nitong Huwebes ng hapon.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, nag-away umano ang lalaki at live-in partner na ina ng sanggol kaya’t umalis ng bahay ang ginang.
Dakong alas-12:50 ng makapananghali nang madiskubre ni alyas “Nathaniel”, pinsan ng lalaki, ang krimen kaya’t humingi siya ng tulong upang madala sa ospital ang mag-ama.
May hinala ang pulisya na tinakpan ng unan ang bata ng sariling ama hanggang sa mamatay bago nagbigti, gamit ang sinturon sa likurang bahagi ng pintuan.
Patuloy pang nagsasagawa ng pagsisiyasat ang mga tauhan ni Taguig police chief P/Col. Christopher Olazo upang alamin ang buong detalye sa krimen.