Bong

‘Alyas Pogi 4’ ni Sen. Bong tuloy sa 2025 MMFF

September 19, 2024 Ian F. Fariñas 83 views

BUKOD sa Cavite, malapit talaga sa puso ni Senator Bong Revilla ang Quezon City. Patunay nito ang katatapos na bloodletting activity, ‘Dugong Alay, Pandugtong Buhay’, na isinagawa ng aktor-politiko sa Amoranto Sports Complex lobby nitong Miyerkules bilang bahagi ng advance celebration ng kanyang 58th birthday sa September 25.

Sa pakikipag-usap sa entertainment media kasama si QC Mayor Joy Belmonte, sinabi ni Sen. Bong na matagal nang magkaibigan ang pamilya nila at ang mga Belmonte.

1Close friend umano ni dating Senador Ramon Revilla Sr. ang dating House Speaker na si Sonny Belmonte, ama ni Mayor Joy.

Kwento pa niya, “Palagi akong dinadalaw n’yan. Si tatay ko, sa Cavite, pumupunta siya du’n. Talagang very close siya sa family. Kaya ‘yung pasalamat ko rin, kay Mayor Joy, never akong pinabayaan sa Quezon City, bakit ka makakalimot sa kanila? Even ‘yung mga constitutents natin sa Quezon City palaging nakasuporta sa akin.”

Sa totoo lang daw, taun-taon naman nilang ginagawa ang bloodletting activity kahit noong governor pa lamang siya ng Cavite.

“Tapos itong ‘Dugtong Buhay’ for 15 years ngayon. Para tayong bampira, naninipsip ng dugo na nagdadagdag ng buhay sa iba. Ang daming natutulungan, napakalaking tulong,” sey pa ng senador.

Gustung-gusto nga raw sana niyang makibahagi sa pagdo-donate ng dugo, gaya ng 4,000 volunteers na naroon, kaso bawal pa dahil nga kakaopera lang niya sa nagkaproblemang Achilles tendon.

Anyway, grateful naman si Sen. Bong dahil nakakalakad na siya nang walang baston.

Aniya, “Medyo okay-okay na. Nakakalakad na ako nang diretso. Nakaka-jogging na ako. So ‘yung Achilles tendon ko is healing very well. Wala nang baston at least now, thank God, at sa lahat ng nagdasal for my speedy recovery. ‘Pag iisa lang paa mo, mahirap, mahirap.”

Sa ngayon, pinaghahandaan niya ang pagte-taping para sa season 3 ng family sitcom na “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” na magsisimula sa October. Marami raw bagong surpresa ang programa oras na umere ito sa Disyembre.

Pagdating sa naudlot niyang pelikula na “Birador: Alyas Pogi 4,” ibinalita ni Sen. Bong na tuloy pa rin ito, hindi na nga lang aabot sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF).

“Hard action ‘yon, eh. Dito muna tayo sa ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’ na light lang. Tuloy pa rin ‘yung movie (‘Alyas Pogi 4’), pero ‘di na aabot for this year, next year siguro,” diin niya.

Nang tanungin kung ano ang birthday wish niya ngayong taon, sagot ng senador, “Sana ay magkasundo lahat, wala nang away-away. Magkaisa tayo para sa bayan.”

Samantala, nakipagtulungan sa idinaos na ‘Dugong Alay, Pandugtong Buhay’ ang Chinese General Hospital and Medical Center at Lung Center of the Philippines.

Bago ang bloodletting, nagsagawa rin pamamahagi ng cash assistance sa Brgy. Batasan Hills, QC. Namahagi ang grupo ni Sen. Bong ng tig-P2,000 sa pamamagitan ng Assistance for Individual in Crisis Situation (AICS) ng DSWD.

Katatapos din nilang bisitahin ang Tacloban City kasama si Mayor Alfred Romualdez at doon ay namahagi rin ang grupo ng financial assistance sa may 2,000 benepisyaryo.

AUTHOR PROFILE