
ALYANSA ISUSULONG: DAGDAG TRABAHO
PILI, CAMARINES SUR — Nais ng mga pambato ng administrasyon na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na makalikha pa ng mas maraming trabaho imbes na paramihin ang mga ayuda mula sa gobyerno.
Ito ang naiisip na paraan ng ‘Alyansa’ para makalikha ng mas maraming trabaho sa gitna ng bagong ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) Labor Force Survey na tumaas ang bilang ng walang trabaho nitong Enero, ngunit mas mababa pa rin kung ihahambing sa naitala noong parehong buwan noong 2024.
Sa isinagawang press conference dito nitong Biyernes, Marso 7, ipinunto ng mga Alyansa candidates ang naturang datos na anila ay nangangailangan ng short-term at long-term solution.
Nagbabala si former Senator Panfilo “Ping” Lacson na ang labis na pagbibigay ng ayuda sa mga Pilipino ay maghihikayat sa mga ito na hindi na maghanap ng trabaho, kasabay ng panawagan na rebisahin ang programa ng gobyerno sa pagbibigay ng mga financial assistance.
“Dapat pag-aaralan natin ‘yung naging cause… Merong pinanggalingan ‘yan. Baka naman sa sobrang pamimigay ng ayuda tinamad na ‘yung ating mga kababayan, ayaw na magtrabaho. I think, personal opinion ko ito, i-revisit natin ang napakaraming porma ng ayuda,” sey ni Lacson.
Aniya, imbes na napakaraming klase ng ayuda, mas makakatulong kung palakasin na lamang ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ang 4Ps ay may epektibong paraan dahil ito ay institutionalized, data-driven at time-bound, at tinitiyak na ga-graduate sa pagiging dependent sa gobyerno ang mga benepisyaryo nito, dagdag niya.
Ipinunto naman ni House Deputy Speaker at Las Piñas City Rep. Camille Villar ang kahalagahan ng micro, small and medium enterprises (MSMEs), na aniya’y bumubuo sa 70 porsiyento ng mga trabaho sa Pilipinas.
Aniya, dapat gawing simple ang mga dokumento sa pagnenegosyo at gawing mas accessible ang tulong-pinansiyal sa mga maliliit na negosyante upang makalikha ng mas maraming trabaho.
“In addition to ayuda, we should support itong maliliit na negosyo, mga negosyante para mag-succeed sila through policies that are friendly to doing business. Dapat padaliin natin ‘yung proseso ng pag-operate ng isang negosyo,” wika ni Villar.
Sangayon naman si former Senate President Vicente “Tito” Sotto sa negatibong epekto ng labis na government assistance, lalo na sa mga kabataan.
“‘Yung mga Gen Z na tinatawag natin—ages from 15, 16 to about 34—allergic sila ‘pag narinig nila ang ayuda. Believe me, ‘pag narinig nila ang ayuda nawawalan sila ng gana kaya dapat ang mga pulitiko iniiwasan ang pagbanggit niyan dahil masama ang naging epekto na sinasabi ni Senator Lacson,” sabi ni Sotto.
Iminungkahi ni Sotto ang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment o BRAVE program, na maglalaan ng P1 bilyon sa bawat probinsiya kada taon para sa kabuhayan, agrikultura, mga imprastraktura para palakasin ang ekonomiya at maparami ang hanapbuhay.
Nais naman ni dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na palawigin ang Sustainable Livelihood Program (SLP) sa ilalim ng DSWD, na sa kasalukuyan aniya ay naglilimita sa mga residente ng Metro Manila na magbenepisyo mula rito.
“We have to broaden, mas palakihin pa, palawakin pa ‘yung Sustainable Livelihood Program ng DSWD. Ang problema kasi sa SLP, ito ay para sa mga walang trabaho. Unfortunately, limited lang siya sa mga fifth, sixth class municipalities. Hindi siya pupwede sa Metro Manila,” punto ni Tulfo.
Idinagdag rin ni Tulfo ang mga mismatch sa mga job opening at sa mga nagsisipagtapos, aniya dapat paramihin ang mga trabaho hindi lamang ang mga call center.
Si Makati City Mayor Abby Binay nais buhayin ang prorama ng DSWD na Self-Employment Assistance-Kaunlaran (SEA-K), na dati ay nagbibigay ng zero interest capital assistance sa mga maliliit na negosyante lalo na ang mga pinangungunahan ng mga kababaihan.
“‘Yung SEA-K ito ‘yung nagbibigay ng pondo para sa mga… hindi kailangan formally organized cooperative, kunwari grupo lang ng mga kababaihan tapos mag-a-apply sila. Walang interes, ibabalik lang nila ‘yung kapital na binigay ng DSWD tapos ‘yun ang ipapaikot nila. So, I think, capitalization is also necessary para suportahan ang ating mga MSMEs,” sey ni Binay.
Dapat naman umanong magtulungan ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Public Employment Service Office (PESO), local government units (LGUs) at ang DSWD sa pagbibigay ng skills training at job placement, ayon kay former Interior Secretary Benhur Abalos.
“Sabi nga nila, ‘If you give him a fish, you only feed him one day. But if you teach him how to fish, you’ll feed him for a lifetime.’ Ibig sabihin, tuturuan sila kung paano sila magtrabaho, paano sila magnegosyo, then dapat grumadweyt sila. Hindi pwede habambuhay tatanggap sila nang tatanggap,” paliwanag ni Abalos.
Binubuo rin ang Alyansa ticket nina Senators Ramon “Bong” Revilla, Pia Cayetano, Lito Lapid at Imee Marcos, at ni dating Senador Manny Pacquiao.
Ang Alyansa, na powerhouse Senate slate na ine-endorso ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay committed sa paglikha ng trabaho, pagpapalakas sa mga maliliit na negosyo at pag-implementa ng sustainable economic policies para mabigyan ang mga Pinoy ng matatag at pangmatagalang opurtunidad sa trabaho upang mabawasan ang paghihintay lamang sa mga ayuda ng gobyerno.