
ALOK NG PTV4, PINATOS NI WILLIE; TV HOST, MAKIKIPAGBARDAGULAN SA PANANGHALIAN
True kaya na tinanggap na ni Willie Revillame ang offer ng PTV4 na magbalik-telebisyon?
Ito ibinalita ng veteran showbiz writer/host/vlogger na si Cristy Fermin sa kanyang vlog.
Aniya, ayon ito mismo sa grupo ng TV host.
“’Eto na, laganap na ang balita na kahit iba-ibang istasyon ang kanyang kinausap ay kinagat na po ni Willie Revillame, ayon sa kanyang grupo, ang offer ng PTV4,” pagbabahagi ni ‘Nay Cristy.
Ayon pa sa kanya, kapag sinabing ‘pinatos’ ay parang ito na ‘yung pinakahuling resort o option.
Ayon naman sa partner niyang si Romel Chika, “Wala na talaga, eh. Kung hindi niya pa papatusin ito, kung hindi niya pa makikipagsara ng usapan ito, wala na. Saan na?”
Tsika pa ni ‘Nay Cristy, may binitiwan na salita si Willie na makikipagbardagulan siya sa mga noontime show.
Ibig sabihin, mukhang tanghali nga rin ang magiging programa ng TV host at tatapatan ang Eat Bulaga ng GMA, E.A.T. ng TV5 at It’s Showtime ng GTV.
Sambit ni Romel, “Kasi ‘yun ang lumalabas, may usapan na sasabak din daw siya sa tanghalian, makikigulo.”
Sagot naman ni ‘Nay Cristy, kapag nagkataon ay magiging mabigat ang labanan ng noontime shows dahil apat na silang programa na mapapanood sa tanghalian.