Tunying

AllTV, nilakihan ang TF ni Ka Tunying

November 22, 2022 Vinia Vivar 356 views

Balik-telebisyon si Anthony Taberna or Ka Tunying matapos ang huling programa niya sa ABS-CBN na Kuha Mo in 2020. But this time ay sa bagong network na AllTV na siya mapapanood.

Sa solo presscon ni Ka Tunying last Monday para sa Kuha All, ang bagong show niya sa AllTV, natanong nga ang batikang broadcaster and radio commentator kung bakit sa bagong network niya naisip na tumanggap ng comeback program at hindi sa ibang istasyon tulad ng GMA-7 or TV5.

Kwento ni Ka Tunying, nang time na kinausap siya ng AllTV para sa bagong show, medyo nakakaraos na siya sa mga problemang dinaanan tulad nga ng pagkakasakit ng kanyang anak na si Zoey.

“Actually po, hindi naman po ako talaga gigil na gigil na magbalik talaga sa telebisyon,” aniya.

He revealed na bago ang AllTV ay ang TV5 muna ang kanyang kausap.

“Nang maging jobless po ako for a time, nagkausap pa kami ng TV5. Nagkausap po kami ni Boss MVP (Manny V. Pangilinan, isa sa mga may-ari ng Kapatid Network) for a possible partnership between myself and TV5. Kaya lang po, may mga hindi lang po nag-materialize kaya hindi kami natuloy.

“Talagang tiningnan ko rin naman po ‘yung opportunities sa iba,” he said.

“Pero ito pong AllTV, hindi lang sila nakipag-usap lang, eh. Bukod sa talkies, umaksyon agad. Ang bilis kumilos! Kumbaga, nag-iisip pa lang ako kung magdedesisyon ako o hindi, pero andiyan na, pinapatawag na kami sa isang meeting,” patuloy ni Ka Tunying.

Hanggang sa nagkaharap na nga raw sila at naging napakaayos agad ng kanilang naging usapan.

Aminado si Ka Tunying na ayaw na sana niyang magbalik sa telebisyon at gusto na niyang i-give-up ang kanyang TV career.

“Dumating ‘yung pagkakataon na talagang sinabi kong ayoko na, eh. Gusto ko nang unahin ang pamilya ko, eh. Kasi, sobra pong exhausting po talaga ang magkaroon ng TV show/shows.

“Sobra pong exhausting, sobrang time-consuming, sobrang stressful, pagka may mga gusto ka na hindi mo makukuha,” aniya.

Happy na raw siya sa kanyang YouTube channel plus may mga negosyo rin siyang kailangang asikasuhin.

“Kaya sabi ko (sa AllTV), ‘lakihan n’yo sweldo n’yo sa akin, kasi kung hindi n’yo lalakihan ang sweldo nyo sa akin, eh, mag-You-YouTube na lang ako.’ Ayun, kaya nilakihan ‘yung ano (talent fee) ko,” natatawang kwento ni Ka Tunying.

“They gave me an offer that I couldn’t refuse. Eh, sino naman ako para tumanggi?” tanong pa ng broadcast journalist.

Siyempre, nahilingan siya ng “talent fee reveal” pero hindi na ito sinabi pa ni Ka Tunying.

“Hindi ko po masabi, pero gusto ko lang sabihin sa inyo that our management is a very generous management po,” saad niya.

Ang Kuha All ay isang public service program na may kinalaman sa mga krimen o aksidente, anomalya or kahit anong interesting stories na nahahagip o nakukunan ng camera.

Pasabog nga raw ang pilot episode nila kaya dapat talagang abangan.

Magsisimula na sa November 26 (Saturday), 5 p.m., ang Kuha All sa AllTV Channel 2.

AUTHOR PROFILE