‘Allowance’ ng mga SC sa Maynila ipamamahagi na

December 7, 2022 Edd Reyes 71 views

NAGLABAS na ng anunsiyo ang Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) ng Maynila sa takdang panahon ng pamamahagi ng buwanang allowance ng mga senior citizen na naninirahan mula sa una hanggang sa ika-anim na distrito ng lungsod bilang pagtalima sa kautusan ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan.

“Hangad po ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pangunguna ng ating butihing Mayora at Vice Mayor John Marvin ‘Yul Servo’ Nieto na mabigyan kayo ng maagang senior allowance upang maagang ipagdiwang ang kapaskuhan ngayong taon,” nakasaad sa inilabas na anunsiyo ng Manila OSCA.

Inilagay din ng OSCA sa kanilang abiso ang iskedyul ng pamamahagi ng allowance sa mga matatanda mula sa Distrito 1 hanggang 6, pati na ang petsa ng liquidation na sasakop sa mga buwan ng Setyembre, Oktubre, Nobyembre, at Disyembre ng taong 2022 para mabuo ang halagang P2,000.

Batay sa iskedyul ng OSCA, ang pagsisimula ng pagkakaloob ng pension sa mga matatanda na naninirahan sa Unang Distrito ay nagsimula ng Disyembre 6 hanggang 8 at ang liquidation nito ay Disyembre 9, 2022 habang sa Distrito 2 ay Disyembre 7 hanggang 9 ang pamamahagi bago isasagawa ang liquidation ng Disyembre 10, 2022.

Tatanggap naman ng allowance ang mga senior citizen mula sa District 3 ng mula Disyembre 8 hanggang 10 at ang liquidation ay Disyembre 11 habang sa District 4 ay magsisimula ng Disyembre 14-16 bago isasagawa ang liquidation ng Disyembre 17, 2022.

Mula naman sa Disyembre 15-17 ay sisimulan ang pamamahagi ng allowance ng mga senior citizen na taga-Distrito 5 at itinakda ang liquidation ng Disyembre 18 habang sa Distrito 6 ay magsisimula ng Disyembre 16-18 bago itatakda ang liquidation ng Disyembre 19, 2022.

Gayunman, maraming mga senior citizen mula sa District 1 at District 2 na kuwalipikadong tumanggap at nakakatanggap na simula pa lamang sa pagsisimula ng buwanang allowance ang nagulat at nagtaka kung bakit nawala sa listahan ang kanilang mga pangalan.

“Kuwalipikado naman kami, nakaboto ng nagdaang halalan at dito naninirahan pero naalis sa listahan ang mga pangalan namin at yung mga matagal ng namatay ay nailagay,” pahayag ng isang kuwalipikadong benepisyaryo sa Office for Senior Citizens Affairs.

Pinayuhan naman ng OSCA ang mga senior citizen na nawala sa listahan na magtungo sa kanilang karugtong na tanggapan sa Freedom Hall sa loob ng Manila City Hall upang doon magtanong at dalhin ang kanilang senior citizen ID at tatlong photocopies nito na may tatlong lagda.

“Hindi po puwede kahit anak, asawa o kapatid ng senior citizen ang magtutungo para kumatawan sa kanya, dapat personal pong magtutungo ang pensioner sa aming tanggapan,” sabi pa ng isanga staff ng OSCA.

AUTHOR PROFILE