Allen inamin ang panliligaw kay Sofia
Inamin ng Kapuso young actor na si Allen Ansay na nililigawan niya ang ka-loveteam na si Sofia Pablo.
Sa mediacon ng kanilang upcoming afternoon seris na “Prinsesa ng City Jail” last Tuesday ay natanong ang team Jolly (tawag sa loveteam nina Sofia at Allen) tungkol sa estado ng kanilang relasyon.
Diretsang tinanong ng press si Allen kung masasabi ba niyang si Sofia ang prinsesa ng kanyang puso at sagot naman ng young actor, “Parang hindi na po kailangang itanong ‘yan. Siyempre po, 100%, siya lang.”
Kasunod na diretsong tanong sa batang aktor ay kung in a relationship na sila.
“Hindi pa po, pero alam niyang gusto ko siya,” sagot ni Allen.
Nang si Sofia naman ang tanungin, inamin niya na ikinakikilig niya ang ipinapakitang care ni Allen sa kanya.
“Siyempre po, masaya and masarap talaga sa pakiramdam, sa puso na may taong nandiyan para alagaan ka. Alam mo na may taong nandiyan lagi para makinig sa ‘yo, suportahan ka.
“Especially sa work namin na magkasama kami, kapag napapagod (ako), ’andiyan siya para iabot ‘yung water ko, para pakainin ako. Minsan po kasi, pasaway po ako sa work. Mayroon po akong ugali na kapag tuloy-tuloy (ang trabaho), hindi ako kumakain. Sabi ko, ‘hindi ako gutom.’ Nagagalit siya sa akin.
“So, siyempre, thankful ako na sobrang genuine ng care niya, pati kay Mommy. So, ‘yun, super-blessed,” sey ni Sofia.
Kung hanggang kelan pwedeng maghintay si Allen bago niya sagutin, sagot ng young actress, depende sa parents niya.
Nang tanungin naman si Allen kung willing siyang maghintay, sagot niya, “Ako po, willing ako. Anytime nga po, kung sasabihin na niya. ’Pag sabihin niyang pwede na, game po ako.”
Kung paano naman siya manligaw, ayon kay Allen, gusto pa rin niya ‘yung traditional way na pupunta sa bahay ng dalaga at magdadala ng flowers.
Samantala, ang kwento ng “Prinsesa ng City Jail” ay tungkol sa isang dalagang lumaki sa city jail dahil pinalaki siya ng amang jail guard.
Dito niya rin makikilala ang binatang si Xavier (Allen) na mabibilanggo dahil sa kasalanang hindi niya ginawa.
Kasama rin sa serye sina Beauty Gonzalez, Keempee de Leon, Denise Laurel, Dominic Ochoa, Ina Feleo, Jean Saburit at marami pang iba.
Magsisimula na ito sa Jan. 13 sa GMA Afternoon Prime.