Allan K at Ryan, clueless sa issue ng TAPE, Inc. boss lock out
Nagsalita na ang iba pang miyembro ng Dabarkads na sina Ryan Agoncillo at Allan K hinggil sa ilang issues nila sa mga bossing ng TAPE, Inc.
Sa interview sa Dabarkads ni MJ Marfori sa One Ph, isa sa mga naitanong sa kanila ay ang tungkol sa isyung hindi pinapayagang makapasok ang mga bossing sa kanilang dressing room.
“Paano bang hindi pinapapasok? Hindi ko maintindihan. Eh, they are free naman to pasok, labas-pasok, sa dressing room namin,” paliwanag ni Allan K.
If ever na may pangyayaring naka-lock ang pinto ay pwedeng baka raw nagdarasal sila.
“Siguro ‘yun ‘yung nagpe-pray kami or I don’t know. I have no idea kung kailan nangyari ‘yun na hindi pinapapasok,” sey ng TV host/comedian.
Nang mahingan ng komento si Ryan, simula niya, “Ang totoo po kasi niyan, kapag dumarating ako sa Eat Bulaga, ang una ko talagang hinahanap, ito totoo ‘to, nag-aalmusal kami ni Allan. Sabay kami hangga’t maaari.”
At tulad ni Allan K, wala rin daw siyang alam na may hindi napapayagang makapasok.
“Hindi ako maka-comment sa hindi pinapapasok dahil as far as I’m concerned, as far as the Dabarkads are concerned, ano kami, eh, communal nga ‘yung dressing room namin, actually.
“So, I have no idea about who’s getting locked out or not. But as far as I know, lagusan ang aming make-up room,” pahayag ni Ryan.
Excited na rin daw sila sa pagsisimula ng Eat Bulaga sa TV5 at labis-labis ang pasasalamat nila sa mga taong nagpapahayag ng suporta sa kanilang bagong show.