“All out war” laban sa mga mapagsantala
ISANG magandang araw sa lahat ng ating mambabasa, lalo na diyan sa Japan. Nawa’y lahat kayo ay nasa mabuti at maayos na kalagayan.
Binabati natin sina Teresa Yasuki, Hiroki Hayashi, Micahel David Bodin, Mama Aki, La Dy Pinky, Endo Yumi, Tata Yap Yamazaki, Glenn Raganas at Hiroshi Katsumata.
Ganun din kay Joan de Guzman ng Oman.
Mabuhay kayong lahat!
(Para sa inyong komento at pagbati. mag-text sa # +63 9178624484/email:[email protected].)
****
Sa tingin ng marami, kabilang na ang mga ordinaryong tao, may mga kababayan tayong hindi talaga mae-enjoy ang Christmas at Bagong Taon ngayon.
Dahil ito sa mga mapagsamantalang negosyante na walang ginawa kundi pahirapan ang mga kawawang mamimili, magsasaka at mangingisda sa buong bansa.
Sa totoo lang, galit na rin ang mga miyembro ng House of Representatives sa mga profiteer, price manipulator, hoarder at smuggler ng bigas at ibang pagkain.
Mismong si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, pinsan ni Pangulong Marcos, ang nagdeklara na ng “all out war” laban sa mga taong salot ng lipunan na ito.
Kaya dapat kabahan ang mga profiteer, price manipulator, hoarder at smuggler dahil galit na nga ang mga miyembro ng House of Representatives.
Sabi ni Speaker Romualdez: “The House will go after (all of) you. We will not allow this abuse to happen, lalo na itong panahon ng Pasko.”
Naniniwala tayo na gagawa ng mga agresibong hakbang ang Kongreso upang mapababa ang presyo ng bigas at ibang basic necessities.
Ayon sa taumbayan, lalo na ang mga mahihirap, walang dahilan kung bakit patuloy ang pagtaas ng presyo ng food products.
Naniniwala tayo na matatakot ang mga erring businessmen at traders kung may masasampolan sa kanila.
Tiyak ‘yon dahil takot silang makulong o mawalan ng trabaho kung ayaw nilang sumunod sa ating mga batas.
Bukod sa bigas at iba pang food products, tututukan din ng Kamara de Representante ang isyu ng mahal na kuryente at suplay ng tubig.
Ang masakit pa nito ay patuloy din ang pagtaas ng presyo hindi lang sa syudad kundi sa buong Pilipinas.
Ang kailangan lang ay suporta ng masang Pilipino sa mga ginagawa ng gobyerno ni Pangulong Marcos para gumaang-gaan ang buhay ng mga mahihirap.
Dapat i-report sa mga otoridad ang mga pang-aabuso ng mga erring businessmen.
Kailangan ito dahil hindi lahat ng mga kaganapan sa bansa ay namo-monitor ng gobyerno dahil sa kakulangan ng tao.
***
Anim na araw na lang at Pasko na, pero mukhang patuloy pa rin ang mainit na panahon, lalo na kung araw.
Bihira pa rin ang mga naka-jacket at naka-sweater dahil maalinsangan pa rin ang panahon.
Hindi kagaya ng mga nakaraang taon na Nobyembre pa lang ay malamig na ang simoy ng hangin.
Dati kasi ay ayaw bumangon ng maaga ang mga tao dahil sa malamig na simoy ng hangin na nanggagaling sa mga natutunaw na yelo sa China at Siberia.
Talagang ibang-iba na ang panahon dahil siguro sa climate change.
***
Parang piyesta ngayon sa buong bansa dahil sa nalalapit na national at local elections.
Nagkalat na ang mga election campaign materials ng mga kandidato.
Panay kamot na lang sa ulo ng mga kandidato dahil sa dami ng mga botante na nanghihingi ng kung anu-anong tulong.
Mahigit na apat na buwan pa bago ang May 12 off-season elections.
Okay lang sa mga maperang kandidato pero sakit ng ulo sa mga politikong wala namang pinagkukunan ng campaign fund.
Ganyang karumi ang politika sa bansa.