Blackace

All-girl group na BLVCK ACE, ipinakilala

November 29, 2022 Ian F. Fariñas 979 views

MAY bagong all-girl P-pop group na inilunsad ang bago ring kumpanya na Blvck Entertainment na pag-aari ng mag-asawang negosyante na sina Engr. Louie at Grace Cristobal.

Ito ay ang Blvck Ace na binubuo naman nina Rhen, Jea, Ely, Anasity at Twinkle.

Sa launching ng grupo at ng Blvck Entertainment nitong Lunes, napag-alaman mula kay Engr. Grace na ang pangalan ng grupo ay mula sa pinagsamang pangalan ng kumpanya (‘Blvck’) at ng pangalan niya (‘Ace’).

“’Pag sinabi nating Ace, siya ‘yung alas natin,” paliwanag ng group manager.

Pulos first timers sa pagpe-perform ang limang girls na ang edad ay nagre-range mula 18 to 19.

Hindi lang sa P-pop naka-concentrate ang Blvck Ace kundi maging sa novelty at OPM songs.

Ayon kay Engr. Grace, novelty ang pinaka-importanteng category para sa kanila.

Gaya raw ng debut single ng Blvck Ace na Pasahero, walang kinikilalang market ang novelty tunes dahil pangkalahatan ang tunog nito. At iyon ang pinaka-importante para sa kanila, na mapasaya ang publiko anuman ang antas o katayuan sa buhay.

Bilang mga baguhan sa larangan ng pagkanta’t pagpe-perform, tatlong buwan nagsanay sina Jea, Ely, Anasity, Twinkle at Rhen bago sumalang sa press launch.

Matinding training nga raw ang in-undergo ng Blvck Ace dahil hindi lamang ito para sa kanilang mga pangangatawan kundi maging sa personality development.

Maaari nga raw ikabigla ang halos tatlong buwan lamang nilang pagsasanay pero napagtagumpayan ito ng girls dahil sa istriktong “listen and follow” instruction ni Engr. Grace.

“Naging attentive sila sa lahat ng bagay na gusto naming ipagawa sa kanila,” sabi pa ng manager na siyempre pa’y ang hangad lamang ay ang ikabubuti ng grupo.

Bukod sa Pasahero, na produced by Blvck Music (music label ng Blvck Entertainment), humataw at ipinarinig din ng Blvck Ace ang upcoming Christmas song nila sa media launch.

Ang Blvck Ace ay isa lamang sa mga grupo na ipakikilala ng Blvck Entertainment. Marami pa silang nakalinyang proyekto gaya ng concerts, live events, film, atbp. na dapat abangan ng publiko sa 2023.

Anyway, available na ang Pasahero sa Spotify, Apple Music, iTunes, Amazon, Geezer, Medianet, Boomplay, YouTube at iba pang music streaming platforms.

AUTHOR PROFILE