Default Thumbnail

‘Alitan’ nauwi sa barilan, 1 todas

June 15, 2023 Jojo C. Magsombol 324 views

ISANG lalake ang binaril umano at napatay ng isang “kaalitang” lalake habang nag-uusap sa Barangay Banay-Banay, Padre Garcia, Batangas, Miyerkules alas-5 ng hapon, ayon sa report ng kapulisan.

Sinabi ni Padre Garcia Municipal Police Station (MPS) chief P/Maj. El Cid A. Villanueva na pinagbabaril umano ang biktima ng suspek ng ilang beses sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at agarang isinugod sa Doctor Rosales Memorial Medical Hospital, sa Bgy. Poblacion, Padre Garcia.

Isang tawag sa telepono ang natanggap ng Padre Garcia MPS personnel mula sa chairman ng nasabing barangay at iniulat na may insidente ng pamamaril na nangyari sa Purok 2, Bgy. Banay-Banay ng nasabing bayan.

Mabilis na rumesponde ang mga kapulisan sa pinangyarihan ng insidente.

Napag-alaman sa imbestigasyon na ang suspek at ang biktima ay nag-uusap diumano nang biglang nakarinig ang mga residente ng mainitang pagtatalo at ilang sandali pa’y umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril umano mula sa pinangyarihan ng krimen.

Mabilis umanong tumakas ang suspek at iniwang duguan ang biktima, batay sa ulat.

Sa ginawang follow-up operation ng kapulisan, agad na naaresto ang suspek at nakumpiska sa kanya ang isang kulay itim na kalibre 45 na walang serial number, isang magazine na walang lamang bala, isang bala, at isang gun holster.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente.

AUTHOR PROFILE