Default Thumbnail

ALIF

February 12, 2022 Marlon Purification 442 views

Marlon PurificationKILALA ko ang karamihan sa mga nominee ng ALIF (Ang Laban ng Indiginong Filipino) na may layuning maging boeses at representante ng mga ‘indigenous people’ sa Kongreso.

Karamihan sa kanila ay matagal nang nagbibigay serbisyo sa bayan kahit wala pa sila sa mundo ng pulitika.

Katunayan yung Number 1 nominee nila ay nasaksihan ko kung paano namahagi ng tulong noong unang bugso ng pandemya, dalawang taon na ang nakalipas.

Hindi nito inalintana ang panganib ng COVID-19, basta ang sa kanya ay mahatiran ng tulong hindi lamang mga medical health workers, kundi pati na rin ang mga katutubo sa Visayas at Mindanao.

Patunay na noon pa man, may eleksiyon man o wala, wagas at dalisay ang pagtulong sa kapwa ng pamunuan ng ALIF.

Kaya naniniwala akong kung mayroong partylist na dapat dalhin sa Kongreso, isa na ang ALIF. Hindi iyong kung sinu-sino lang na ginagawa nang negosyo ang pagtakbo ngayong halalan.

Layunin ng ALIF ay bigyang pagkakataong magkaroon ng magandang kinabukasan ang sinumang kapos sa oportunidad nating kababayan.

Ngayong 2022, positibo ang ALIF na makakamit ang layuning ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga kongkretong aksiyon at programa para sa Kalusugan, Karunungan at Kabuhayan (KKK).

Sa pagpapahalaga at pagtataguyod ng tatlong aspeto ng KKK ay mabibigyang direksiyon ang buhay ng mga Pilipino tungo sa magandang kinabukasan.

Walang maiiwan at walang makakawawa, ‘ika nga!

Maraming Pilipino ang nangangarap pero wala silang paraan upang maabot na masimulan ito. Marami ang naiiwan at hindi nabibigyang pansin sa lipunan kaya madalas, lahat sila ay nagmumukhang hampas lupa sa buong sosyedad.

Kaisa tayo sa mithiin ng ALIF na magkaroon ng sapat na programa ang pamahalaan na mabigyan ng pagkakataon ang bawat Pilipino na makamit ang anumang kaginhawaan.

Pantay na pagtingin sa lipunan at pagkain sa bawat hapag kainan.

Gusto ko ang batayang paniniwala ng ALIF.

Una ang tungkulin sa Diyos at Bayan.

Ikawala ang tungkulin sa kapwa.

At ikatlo ay ang tungkulin sa sarili at pamilya.

Para itong simbolo ng Boy Scouts na may tatlong magkakadikit na daliri – ang hintuturo, hinlalato at palasinsingan na anumang oras ay palaging handang tumulong sa kapwa at handa sa anumang uri ng problema at sakuna.

Iyan din ang pakay ng bawat ‘Scouts’ na pagbubuo ng karakter o pag-uugali ng isang tao. Bukod pa sa pagsasanay sa pagkamamamayan na angkop din ang salitang bayanihan at kapatiran.

Bukod sa mga indigino nating kababayan, nais ng ALIF na palakasin at ibigay ang buong suporta’t programa sa sektor ng kabataan, edukasyon, pangkalusugan at higit sa lahat ang pangangailangan ng mga senior citizens at mga retirees.

Sa mga programang ito, tamang sabihin na ang ALIF ang partylist para sa kinabukasan.

Goodluck sa inyo mga Brods and Sis sa ALIF.

Patnubayan nawa ng Dakilang Maylikha ang mabuti ninyong layunin sa bayan at sa ating mga kababayan!