
Alden, magka-cancel ng projects para sa ‘Hello, Love, Goodbye 2’
Dahil marami nga ang nagre-request ng sequel ng pelikulang Hello, Love, Goodbye nina Alden Richards at Kathryn Bernardo, isa sa mga natanong sa Kapuso actor kung willing ba siya, if ever, na magkaroon ng offer.
Ayon kay Alden, sabihin lang sa kanya at handa siyang ipa-cancel ang iba niyang proyekto para gawin ang part 2 ng Hello, Love, Goodbye.
“Ako po, of course, Hello, Love, Goodbye naman po made history and ‘yun naman rin po ang gusto ng mga nakapanood, na magkaroon ng part 2.
“Ako po, ready naman ako anytime and ‘yun din naman ang sinabi ko kay Direk Cathy (Garcia-Sampana, ang direktor ng HLG). Sabi ko, ‘Direk kapag gumawa kayo ng part 2, ikaka-cancel ko muna lahat ng schedule ko,” pahayag ni Alden nang makatsikahan ng entertainment press sa kanyang thanksgiving Christmas party na ginanap last Sunday sa kanyang bagong bukas na Stardust Bar and Restaurant sa Jupiter St., Makati.
“But then again, that’s really up to Star Cinema kasi sila naman ‘yung producer and they own the rights of the movie,” anang aktor.
Sa mga hindi nakakaalam, ang Hello, Love, Goodbye pa rin ang may hawak ng korona bilang highest-grossing Filipino film of all time sa Philippine cinema with more than P881-million gross.
Natanong din si Alden kung may possibility pa na magsama sila ng dati niyang ka-loveteam na si Maine Mendoza sa isang proyekto.
“Parang si Maine po kasi ngayon, based on how I… hindi na rin kasi kami ngayon nagkakausap nang madalas and hindi na rin kasi ako nakakapanood ng TV.
“But right now, as I can see, medyo mas okay na ngayon si Maine mag-settle sa family life niya and we respect that, ako nirerespeto ko ‘yun,” pahayag ng Asia’s Multimedia Star.
Samantala, ratsada si Alden sa pagpo-promote ng entry nila ng Megastar na si Sharon Cuneta sa Metro Manila Film Festival 2023 na Family of Two (Mother And Son Story) under Cineko Productions dahil aalis siya bago mag-New Year patungong Amerika.
Sa US sila magba-Bagong Taon ng kanyang pamilya at doon na rin siya magse-celebrate ng kanyang kaarawan sa Jan. 2.