Alden

Alden, ‘Fan Boy’ ng John Lloyd-Bea loveteam

October 17, 2021 Ian F. Fariñas 412 views

MAY malaking proyektong nag-aabang kay Alden Richards matapos mag-renew ng kontrata sa Kapuso network.

Ito ang siniguro ng GMA executive na si Lilybeth Rasonable sa virtual mediacon pagkatapos ng contract renewal ng aktor.

Aniya, bukod sa pagbabalik ng Alden-Jasmine Curtis Smith series na The World Between Us, eh, may mas malaki pang project na naghihintay sa Pambansang Bae na siguradong ikatutuwa ng netizens at ikagugulat ang papel na gagampanan.

Wala nang ibinigay na iba pang detalye si Tita Lilybeth tungkol sa nasabing proyekto kaya mabuti pang abangan na lang ito ng avid supporters ni Alden.

Nang tanungin naman ang aktor kung game siyang makatrabaho ang dati pang nababalitang magiging Kapuso na si John Lloyd Cruz ngayong nasa GMA na rin ang perennial screen partner nitong si Bea Alonzo, ang bilis ng naging sagot nito.

“Kahit now na, tomorrow, mag-quarantine na tayo, let’s go!” excited na sabi ni Alden.

Ayon sa kanya, bukod sa pareho sila ng team ng stylists, matagal na rin siyang “fan boy” ng tambalang John Lloyd-Bea kahit nu’ng hindi pa siya nag-aartista kaya game na game siyang makatrabaho ang mga ito sa isang proyekto.

As it is, may nakalinya nang pelikula sina Alden at Bea. Ito ay ang much-anticipated Philippine adaptation ng 2004 Korean film na A Moment to Remember para sa Viva Films, GMA Pictures at APT Entertainment.

Gagampanan ni Alden ang character ni Jung Woo-sung habang si Bea naman ang gaganap sa papel ni Son Ye-jin.

Kung matutuloy ang plano, ngayong Oktubre sisimulan ang shooting ng A Moment to Remember.

AUTHOR PROFILE