Alden

Alden at Julia, natural ang chemistry — Direk Irene

April 18, 2023 Ian F. Fariñas 370 views

CO-PRODUCER pala ang Myriad, sariling production company ni Alden Richards, sa unang pagtatambal nila sa pelikula ng Kapamilya star na si Julia Montes na pinamagatang Five Break-Ups and a Romance.

Romantic-drama ang nasabing proyekto na isinulat at ididirek ng box-office director na si Irene Villamor. Matatandaan na si Direk Irene rin ang nasa likod ng mga pelikulang Sid & Aya, Meet Me in St. Gallen, On Vodka, Beers, and Regrets at Ulan.

“Unconventional pairing” nga ang tawag ng direktora sa Julia-Alden tandem dahil para sa kanya, parehong magaling na artista ang dalawa, committed sa kanilang craft at willing makipagtulungan sa kanya at sa kanyang staff para mabuo ang Five Break-Ups and a Romance.

Excited din si Direk Irene sa pakikipagtrabaho kina Alden at Julia na aniya ay may natural na chemistry at acting skills.

“We have done just one reading pa lang at sobrang dami na namin na-discuss about the concept so nakaka-excite makita paano nila bubuhayin yung mga characters sa script,” dugtong niya.

Para sa kanya, goal nila na i-elevate ang romantic-drama genre sa mas mature level sa pamamagitan ng Five Break-Ups And A Romance.

Tatalakayin sa movie ang complexities ng romance and relationships sa modern era.

Magiging saksi ang location nito sa Singapore at Bonifacio Global City bilang backdrop ng modern-day love story.

Bukod sa Myriad ni Alden, katuwang din sa pagpu-produce ng pelikula ang CS Studios (under the leadership of Cornerstone Entertainment President Erickson Raymundo) at GMA Pictures (under the direction of GMA Films President Atty. Annette Gozon-Valdes and GMA First Vice President for Program Management Joey Abacan).

Tatayo namang consultant ng proyekto si Malou Santos, ang dating Star Cinema managing director.

AUTHOR PROFILE