
Albay nasa state of calamity na
KASUNOD ng bahagyang pagputok ng Bulkang Mayon nitong Huwebes ng gabi, nagdeklara na ng “state of calamity” ang lokal na pamahalaan ng Albay.
Paliwanag ni Albay Governor Edcel Greco Lagman, sa pamamagitan ng deklarasyon, magagamit ng lokal na pamahalaan ang quick response funds para agad na matulungan ang mga apektadong residente.
Sinimulan na rin ng Provincial Disaster Management Office ang “preemptive evacuation” sa mga residenteng nasa loob ng 6-kilometer radius permanent danger zone.
Aniya nasa 3,000 residente na mula sa Camalig at Guinobatan ang nailikas at tinatayang nasa 18,000 pa ang kailangang madala sa 115 evacuation centers para sa kanilang kaligtasan.
Bukod sa dalawang bayan, apektado ng pag-aalburuto ng Mayon ang mga residente sa Legazpi, Tabaco , Ligao, Santo Domingo, Malilipot, Bacacay, at Daraga.
Sa pinakahuling ulat ng Phivolcs (Philippine Institute of Volcanology and Seismology), umabot na sa 199 rockfall events at anim na pyroclastic density currents ang naitala mula 5:00 ng umaga ng Huwebes hanggang 5:00 ng umaga ng Biyernes.
Nagbuga din ang Mayon ng makapal na usok na umaabot sa 800 metro ang taas.
Nakikita rin ang banaag o crater glow sa bunganga ng buklan at kapansin-pansin ang ground deformation o pamamaga ng bulkan.