Alaskador
NOONG mga panahong wala pa namang mga anti-discrimination at anti-bullying law, uso na talaga ang mga alaskador.
Sa mga hindi nakakaalam kung ano ang alaskador, lalo na sa mga milenyal, wala itong kinalaman sa gatas. Sa simpleng salita, ang alaskador ay mapang-asar or sabi ng mga matatanda sa una, buskador.
May mga harmless naman talagang pang-aasar na ang intensiyon lang ay magpasaya sa barkadahan. Kuwela lang, bisyo lang talaga para sa tropa ngunit hindi nanghihiya.
Pero iba iyong nakakasakit na bullying at body shaming tulad ng nangyari sa isang pasahero na pinababa sa public utility vehicle dahil sa kanyang timbang or body figures. Hindi ito bahagi ng pang-aalaska lang, panghihiya na talaga ito, lalo na’t ginawa sa harap ng publiko at sa pampublikong sasakyan.
Una, dapat maitindihan ng mga tsuper at operators na kasama sa kondisyon ng pagkakaloob ng prangkisa ng LTFRB na hindi sila mamimili ng pasahero. Hindi partikular na nakasaad doon na huwag manghihiya kaya nga papasok ang kasong ito sa anti-discrimination at anti-bullying kung talagang gusto silang kasuhan ng biktima.
Narinig ko ang interview sa radio ng pasaherong hiniya, nakakalusaw ng puso ang kanyang kabutihan dahil kaya pa niyang patawarin at unahin ang pagpapakumbaba sa kabila ng ginawa sa kanya ng mag-asawa. By the way, “back rider-kundoktor” siguro si misis kaya kasama ng tsuper na mister.
Kaya palang gawin ng isang pangkaraniwang tao ang ganoong klase ng pang-aalispusta sa isang kapwa nila pangkaraniwang tao? Nakakagulat lang, typecast kasi ang mga mayayaman, mga may sinasabi sa lipunan ang siyang mapang-api sa mga mas mababa sa kanila.
Lilinawin lang natin, hindi ito para uriin ang pasahero at ang mag-asawang nagpababa sa kanya. Ang gusto ko lang ipunto, hindi mercedes benz or Rolls Royce at lalong hindi naman siguro mayaman ang mag-asawa para hamakin at hiyain sa publiko ang pasahero na sa pagtingin natin ay pangkaraniwan din namang empleyado.
Kung kayang patawarin ng biktima ang ginawa sa kanya mag-asawa, okey din ito kasi sabi nga, hindi mo sila pinapatawad dahil angkop sa kanila ang kapatawaran, bagkus mas kailangan mo ang sariling kapayapaan.
Pero dapat magkaroon ng papel dito ang LTFRB. Hindi natin sinasabing dapat parusahan at patigilin or bawian ng prangkisa ang tsuper or operator. Hindi rin naman nating hahayaang mawalan sila ng pagkakakitaan na pangbuhay sa kanilang pamilya. Kahit ganoon ang ugali nilang mag-asawa, doon pa rin tayo sa makataong pagtrato.
Dapat lang ay balaan sila ng LTFRB na papatawan na ng kaparusahan kapag inulit nila ang ganooong masamang ugali sa kanilang kapwa.
Kapag nagkaroon ng panibagong reklamo na same nature, sasama na tayo sa mananawagan na tanggalan na silang ng karapatang makapagmaneho ng pampublikong sasakyan dahil peligro sila sa ating mga kababayan.
Ang maipapayo ko lang sa mag-asawang ito, kung ilan man ang anak nyo ngayon, huwag nyo nang dagdagan baka kasi magparami pa kayo ng ganyang lahi!