Default Thumbnail

Akyat Bahay nagnakaw na, naghanap pa ng lafang

July 4, 2023 Edd Reyes 272 views

NAGBUNGKAL pa ng makakain sa kusina ang isang hinihinalang miyembro ng “Akyat-Bahay Gang” nang mabigong makakulimbat ng salapi at alahas sa loob ng pinasok na tirahan Martes ng madaling araw sa Malabon City.

Patakas na ang 40-anyos na si Francisco Vasquez, Jr. ng De Guia Compound, Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela nang abutan siya ng may-ari ng inakyat na bahay na inakala niyang hindi pa magsisi-uwian mula sa paga-outing habang papalabas sa likurang bahagi ng bahay sa Mabolo St. Brgy. Santulan dakong alas-2:30 ng madaling araw.

Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio “Pojie” Penones, Jr. kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, umalis ng bahay si Leonardo Ubal, 40, kasama ang buong pamilya upang magliwaliw.

Walang iniwang salapi at alahas ang buong pamilya sa kanilang tirahan bago umalis, maliban sa naiwang cellulllar phone na nagkakahalaga ng P5,500 at sinigurong sarado ang mga pintuan.

Nang matunugan ng suspek na walang tao sa bahay, dito na niya puwersahang binuksan ang pintuan sa likod at sinimulang maghalughog subalit wala siyang makulimbat maliban sa mobile phone kaya’t bago tumakas ay nagbungkal pa sa kusina sa pag-asang may makakain bago tumakas.

Nabawi naman nina P/SSg Cesar Bandol at P/SSg Ron John Galangco, ng Malabon Police Sub-Station 3, na nagresponde sa lugar ang kinulimbat na cellular phone sa suspek na nahaharap sa ngayon sa kasong pagnanakaw sa Malabon City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE