Robin

Aksyon Agad Para sa Mga Utol Nating Aeta

August 8, 2022 People's Tonight 663 views
Robin1
Mabilis na tinugunan ni Senator Robin Padilla ang concern ng mga IPs o Katutubong Aetas sa Mabalacat Pampanga.

 

Robin2
Personal na tinungo ni Sen. Padilla, at ng kanyang staff ang Clark at nakipagpulong kina Clark Development Corporation (CDC) President Manny Gaerlan at CDC Chairman Ed Pamintuan.

 

RobinHUWEBES ng nakaraang linggo noong bisitahin namin ang mga kapatid nating Aeta sa Sitio Habuan. Sulok kung tawagin ang komunidad dahil nasa kasuluksulukan itong bahagi ng Mabalacat, Pampanga. Dadaanan mo ang halos kabuuan ng Clark Freeport Zone at dalawang bundok, tatawirin ang hanging bridge, at may halos dalawang kilometrong lakaran pa. Sulok ngang maituturing, dahil kadalasan itong nalilimutan at hindi nabibigyang pansin.

Malapit sa puso ko ang mga taga-Habuan dahil halos kalahating dekada na ang aming ugnayan. Una ko silang nabisita noong 2019 upang maghatid ng tulong. Nitong nagdaang linggo ay sila naman ang personal na bumisita sa ating opisina sa Senado upang ipaabot ang kanilang mga hinaing sa lupang tinubuan at kabuhayan.

Bilang pagkalas sa “armchair policy” o pagbalangkas ng solusyon na walang aktuwal na karanasan mula sa baba, personal po naming tinungo ang Sitio Habuan kung saan nakita namin ang kanilang mga problema. Dito, nakipagugnayan rin kami sa mga nasa kabilang panig ng isyu— ang Clark Development Corporation. (CDC).

Unang isyu: Marupok at nalulumang hanging bridge at hindi patag na daan. Dahil sa madalas na pagbaha ng ilog ng Sacobia, rumurupok ang moog ng tulay. Dagdag pasakit rin ang ilang daan na hindi pa rin patag hanggang ngayon. Bagaman malaki na rin ang pagbabago ng daan patungo sa Sitio, marami pang dapat ayusin sa pasilidad para mapabuti ang pangangalakal at transportasyon. Bukod pa rito, humihingi sila ng konkretong tulay upang daanan ng kanilang mga sasakyan pang kabuhayan.

Ikalawang isyu: Ang pwesto na itinalaga sa mga Aeta sa “Ayta na Market” ay hindi nararating ng mga mamimiii dahil malayo ito sa mga lugar na dagsaan ng tao. Dahil dito, napipilitan umano ang mga Aeta na maglako sa loob ng CDC. Gayunman, giniit nila na walang habas ang pagtataboy sa kanila kaya naman mahina ang kanilang kita.

Ikatlong isyu: Hindi pagkakasundo sa 80-20 na hatian sa kita ng CDC at mga Aeta mula sa renta at iba pang aktibidad sakop ng ancestral domain ng katutubong pamayanan sa ilalim ng Joint Management Agreement. Bukod pa rito, ang bahagi sana ng kita mula sa 20% na quarry fee na nagkakahalaga ng P17 milyon at P11 milyon para sa kanilang sasakyan ay nakabinbin pa rin sa isang trust fund sa Land Bank at hindi magamit para sa kapakinabangan ng mga katutubong Aeta.

Masukal ang usaping ito na nakaangla sa kawalan ng kinikilalang kinatawan ng mga Aeta mula sa tatlong magkakaibang tribo: Bamban Aeta Tribal Association, Mabalacat Aeta Tribal Association, at Samahang Tribong Aeta.

Bukod sa hindi pa matukoy ang “duly appointed representative” ng mga Aeta mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), hiling rin ng mga katutubo na itaas ang hatian at kilalanin ang mas malawak na sakop ng kanilang ancestral domain.

Malalim ang hugot ng mga usaping nabanggit. At ilan lamang ito sa pinagdadaanan ng pamayanan.

Sa kasalukuyan, inihahanda natin ang mga aksyon na maaring ihain sa Senado para matugunan ang mga ito.

Iisa ang ating dapat tiyakin: ang kaunlaran ay hindi dapat magbunsod ng pagkakahati-hati at hindi pagkakaunawaan. Responsibilidad ng gobyerno na tutukan ang mga aktibidad pangkaunlaran para sa kagalingan ng mga mamamayan lalong-lalo na ng mga katutubong Aeta sa kanilang tinubuang lupa.

Sa mga susunod nating aksyon, ididiin natin ang kahalagahan sa makatotohanang konsultasyon sa pagitan ng hanay ng mga katutubong mamamayan at gobyerno.

Titiyakin natin na naipatutupad ang Republic Act 8371 o ang Indigenous People’s Rights Act (IPRA) ng 1997 tungo sa makabuluhang pagkilala at pagtataguyod sa mga karapatan ng mga katutubo at kultural na minorya sa bansa.

Pagsusumikapan nating itaguyod ang ating layon bilang utol ng mga katutubong pamayanan sa Senado.

AUTHOR PROFILE