Default Thumbnail

Aksiyon ng 1Riderpartylist ang kailangan

December 4, 2023 Allan L. Encarnacion 126 views

Allan EncarnacionNANIKIP ang aking dibdib sa nakita kong panggugulpi ng isang motorcycle rider sa mga traffic enforcer na sumita at humuli sa kanya dahil walang suot na helmet sa General Luis, Novaliches, Quezon City.

Ito iyong klase ng road rage na walang puwang sa sibilisadong lipunan na hindi dapat palagpasin ng ating mga awtoridad. Hindi ko man kamag-anak or hindi ko man kakilala iyong enforcer, pakiramdam ko’y ako iyong sinasaktan dahil nga hindi pangkaraniwan ang sitwasyon.

Hindi natin alam kung bakit ganoon kaangas iyong rider dahil matapos niyang pagsusuntukin ang humuhuli sa kanya, binalingan naman ng suntok ang kararating na traffic enforcer. Hindi natin alam kung ano naman ang atraso ng dumating na enforcer.

Palagi ko namang sinasabi na kung hindi natin alam ang pinagmulan ng gulo, wala tayong karapatang humusga sa kahit kaninong panig.

Pero doon ako sa puntong awtoridad iyon at lumabas na ang imbestigasyong panghuhuli sa walang sakay na helmet ang pinagmulan.

Sabihin na nating maraming scalawag na awtoridad pero hindi pa rin ito magbibigay ng karapatan sa kanino man na saktan sila, lalo na lung tumutupad sila sa kanilang tungkulin.

Huwag nating kalilimutan na kaya tayo ligtas sa maraming pagkakataon mula sa ating paggising hanggang sa ating pagtulog ay dahil sa ating mga awtoridad.

Dapat din natin silang irespeto at pasalamatan.

Alam nating may piyansa ang kaso ng nanggulpi na rider dahil tiyak na slight physical injury lang kaso at assault in the person of authority. Pero dapat, kanselahin na ang lisensiya nito at huwag nang payagang makapagmaneho ito.

Hindi puwedeng mas matapang pa tayo sa awtoridad, lalo na kung hinuhuli tayo sa ating pagkakasala.

Nananawagan tayo kina 1Rider partylists Reps. Bosita at Rodge Gutierrez na maglunsad ng value formation sa mga riders na maangas at walang modo sa kalsada para mabawasan naman ang mga ganitong insidente.

Isama nyo na sa inyong mga tuturuan ang mga Angkas at Joyriders dahil marami rin sa mga ito ang hindi marunong gumamit ng kalsada.

Gusto nating makita ang 1Rider congressmen na siyang nagtuturo ng disiplina sa mga ito, lalo na sa mga natuto lang magmotor sa mga kanto-kanto.

Parehong advocates ng maayos na paggamit ng motor ang 1Riderpartylist congressemen kaya naniniwala tayong malaki ang maitutulong nila laban sa mga bastos at mga walang modong riders.

[email protected]